Home METRO Sindikato sinisilip na nasa likod ng P1.4M tobats sa Caloocan

Sindikato sinisilip na nasa likod ng P1.4M tobats sa Caloocan

96
0

Caloocan City – Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng isang drug syndicate sa P1.4-milyong halaga ng shabu na nasamsam sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay 66 noong Linggo, Mayo 3, na nagresulta sa pag-aresto sa dalawang suspek.

Isinagawa ang operasyon matapos mag-ulat ang mga opisyal ng barangay hinggil sa umano’y illegal drug activity sa lugar. Naaresto ang mga suspek na may edad 37 at 54 matapos umanong magbenta ng P500 halaga ng hinihinalang shabu sa isang undercover operative.

Ayon kay Col. Joey Goforth, nakumpiska ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit ang mahigit 200 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang lampas P1.4 milyon.

Sinabi ng pulisya na may mga na-monitor ding kahalintulad na illegal drug activities sa kalapit na barangay, kaya pinaigting ang operasyon upang maiwasan ang paglipat-lipat ng droga sa iba’t ibang lugar.

Dagdag ni Goforth, tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na bahagi ng mas malaking drug network ang mga suspek, dahil hindi umano sa Caloocan City nagmula ang nakuhang ilegal na droga.

Patuloy ang koordinasyon sa iba pang drug enforcement units upang matunton ang pinagmumulan ng suplay at matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.

Nasa kustodiya na ng Caloocan City Police custodial facility ang mga suspek at nahaharap sa kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon pa sa mga awtoridad, ang 54-anyos na suspek ay dati nang nasangkot sa illegal drug activity noong 2002, habang nagpapatuloy ang anti-drug operations sa lungsod. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here