TACLOBAN CITY – Nagpahayag ng suporta ang Philippine Army’s 8th Infantry Division sa inilabas na security advisory ng United States Embassy in the Philippines na nagbababala sa mga American nationals laban sa pakikipag-ugnayan o pagsuporta sa mga itinalagang teroristang organisasyon, partikular sa Eastern Visayas.
Sa pahayag nitong Miyerkules, tinawag ng 8ID na “timely and relevant” ang naturang advisory, at iginiit na may mga ulat umano ng tangkang paglapit ng mga rebeldeng komunista sa mga dayuhan sa pamamagitan ng hindi direktang support networks sa Samar at Leyte.
Ayon sa 8ID, maaaring kabilang dito ang pagdaan ng mga resources o pondo—sinasadya man o hindi—na maaaring makinabang ang mga armadong grupo, na magdudulot ng legal at seguridad na panganib sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
“Any form of collaboration, material support, or facilitation benefiting terrorist organizations —such as the Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA)— is a clear violation of the law and undermines ongoing peace and development efforts,” pahayag ng 8ID.
Giit pa ng militar, patuloy ang pag-usad ng kapayapaan at kaunlaran sa Eastern Visayas habang tumatanggi na ang mga komunidad sa mga ideolohiyang ekstremista, ngunit babala nito na maaaring maantala ang progreso kung may panlabas na suporta sa insurgent groups.
Sinang-ayunan din ng 8ID ang paalala ng embahada sa mga dayuhan na sumunod sa due diligence, igalang ang lokal na batas, at tiyaking legal at transparent ang kanilang mga gawain.
Nauna rito, sinabi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ang babala ng US Embassy ay pagkilala sa banta ng pagkakasangkot ng mga Amerikano sa karahasang may kaugnayan sa mga network ng communist insurgency. Dave Baluyot