Home METRO 3 arestado sa panghoholdap ng Singaporean sa Binondo

3 arestado sa panghoholdap ng Singaporean sa Binondo

87
0

MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal—dalawang babae at isang taxi driver—na hinihinalang kabilang sa “Ativan Gang” ang inaresto matapos umano nilang drogahin at pagnakawan ang isang turistang Singaporean sa Binondo, Manila, ayon sa Manila Police District.

Ayon kay MPD Chief Brig. Gen. Arnold C. Santiago, isinagawa ang follow-up operations ng MPD Composite Team matapos ang insidente na kinasangkutan ng dayuhang biktima.

Kinilala ang mga suspek bilang alyas “Cherry” at “Cassy,” kapwa taga-Tondo, at taxi driver na si alyas “Atan,” na umano’y naghatid sa biktima noong krimen.

Sa imbestigasyon, lumalabas na tinatarget umano ng grupo ang mga turista sa mga tourist areas, kinakaibigan ang mga biktima, at inaalok ng inuming may sedative na umano’y “Ativan” upang mawalan ng malay o maging disoriented bago pagnakawan.

Tinatayang umabot sa SGD 4,000 (humigit-kumulang ₱170,000) ang natangay mula sa biktima.

Aminado umano ang taxi driver na tumanggap siya ng ₱20,000 mula sa mga kasabwat para sa kanyang partisipasyon. Nadakip din siya dahil sa ilegal na droga matapos makuhanan ng kontrabando sa follow-up operation noong Mayo 4, 2026.

Ayon sa pulisya, si alyas “Cassy” ay may nakabinbing warrant of arrest para sa theft mula sa MTCC Makati City.

Sinabi rin ng MPD na may mga nauna nang kaso ng swindling at theft ang dalawang babaeng suspek, at posibleng konektado sila sa iba pang krimen sa Metro Manila.

Kasalukuyang nakakulong ang tatlo habang patuloy ang imbestigasyon at pinalalakas ang police visibility sa Binondo at iba pang tourist areas upang maprotektahan ang mga lokal at dayuhang bisita. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here