CAVITE, Philippines – Isang construction worker ang namatay makaraang pagsasaksakin ng kanyang Foreman na nagalit nang pagsabihan na hinaan ang volume ng speaker sa Silang, Cavite, Miyerkules ng gabi.
Ayon sa report, isinugod pa sa Estrella Hospital ang biktima na si alyas Noel, 46, binata ng Brgy Iba, ng nasabing bayan subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa tinamong saksak sa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Kinilala naman ang suspek na si alyas Simeon, Foreman at residente rin sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, bandang alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente kung saan una dito ay nag-iinuman ang biktima, suspek at ilang kasamahan sa trabaho sa harapan ng kanilang barracks.
Habang nakaramdam na ng pagkalasing ang biktima kung kaya nagpaalam na matutulog na ito at sinabihan na kung puwedeng hinaan ang volume ng speaker para hindi siya maabala sa kanyang pagtulog saka pumasok ito sa kuwarto.
Subalit linggid sa kaalaman ng biktima ay sinundan siya ng kanyang Foreman na nauwi sa pagtatalo hanggang sinundan siya ng mga kasamahan nito sa trabaho upang mamagitan subalit kaagad na sinaksak ang biktima sa kaliwang braso at tuhod gamit ang ice pick na naiwan pa na nakatarak sa dibdib ng biktima.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente. MARGIE BAUTISTA