MANILA, Philippines – Inakusahan ng International Criminal Court (ICC) si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ng crimes against humanity kaugnay ng hindi bababa sa 32 pagpatay na umano’y konektado sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.
Sa arrest warrant na inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Nobyembre 6, 2025 at isinapubliko nitong Mayo 11, 2026, sinabi ng tribunal na may “reasonable grounds” upang paniwalaang may pananagutang kriminal si Dela Rosa bilang isang “indirect co-perpetrator” sa mga pagpatay.
Ayon sa ICC, nahaharap si Dela Rosa sa kasong “crime against humanity of murder” sa ilalim ng Article 7(1)(a) ng Rome Statute.
Nakasaad sa warrant na naganap ang mga pagpatay mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, kung saan “no less than 32 persons were killed” sa Pilipinas bilang bahagi umano ng “widespread and systematic” na pag-atake laban sa mga sibilyan na iniuugnay sa war on drugs.
Iginiit ng ICC na sangkot umano ang mga pulis, kasama ang “non-police assets and paid hitmen,” sa pagtutok sa mga pinaghihinalaang sangkot sa kriminalidad at ilegal na droga.
Ayon pa sa tribunal, si Dela Rosa bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ay tumulong umano sa pagpapatupad ng isang pambansang plano upang “neutralise” ang mga hinihinalang kriminal, na ayon sa ICC ay may kahulugang “kill.”
Sa warrant, inilahad din na umano’y nakatulong si Dela Rosa sa kampanya sa pamamagitan ng mga pahayag na “authorising, condoning and promoting the killing of alleged criminals,” pagtatalaga ng mga pangunahing opisyal ng pulisya, pagbibigay ng logistical support, at paghikayat sa mga pulis na bigyang-katwiran ang mga pagpatay gamit ang “fictitious self-defence scenarios.”
Inakusahan din siya ng ICC na nangakong hindi mapaparusahan at nagbibigay ng gantimpala sa mga pulis na sangkot sa mga pagpatay.
Ayon sa tribunal, nagsimula umano ang operasyon sa Davao City sa pamamagitan ng tinatawag na Davao Death Squad bago lumawak sa buong bansa nang maupo bilang pangulo si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Sinabi rin ng ICC na kinakailangan ang pag-aresto dahil wala umanong makatwirang inaasahan na kusang makikipagtulungan si Dela Rosa sa korte. Binanggit din ang umano’y pagbabanta laban sa mga imbestigador ng ICC at alegasyon ng disinformation campaigns.
Orihinal na inilabas nang kumpidensyal ang warrant bago kinumpirma ng ICC nitong Lunes na authentic ang dokumentong kumalat sa publiko at sinimulan na ang pag-unseal nito.
Unang lumabas ang mga ulat tungkol sa warrant noong Nobyembre 2025. Bagama’t sinabi noon ni Dela Rosa na handa siyang harapin ang kaso, matagal siyang hindi nakita sa publiko o dumalo sa Senado hanggang sa muling magpakita nitong Mayo 11 sa gitna ng pagbabago ng liderato sa Senado kung saan nahalal si Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
Dumalo rin sa Senado si dating senador Antonio Trillanes IV bitbit ang umano’y kopya ng ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa. Dave Baluyot