MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Education ang centralized Procurement Information Hub na magbibigay-daan sa publiko na ma-track ang mga proyekto at pondo ng ahensya.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng bagong dashboard na palakasin ang transparency at accountability sa paggastos ng gobyerno upang matiyak na “every peso for our learners is accounted for.”
Sa pamamagitan ng platform, mas madaling makikita ng publiko ang Approved Budget for the Contract (ABC), ongoing projects, at kung paano inilalaan ang pondo para sa mga programa tulad ng learning materials at ICT initiatives.
Nilalayon din nitong pabilisin ang pagbibigay ng mga school resources tulad ng textbooks at school facilities sa pamamagitan ng mas maayos na monitoring at data-driven oversight.
Ayon sa DepEd, nakakatulong ang sistema sa mas malinaw na impormasyon tungkol sa mga awarded projects, kabilang ang halaga ng kontrata, petsa ng pag-award, at mga nanalong bidder.
May feature din ang hub para sa public reporting ng posibleng anomalya o korapsyon sa procurement.
Ang proyekto ay alinsunod sa New Government Procurement Act o Republic Act No. 12009 na layong i-modernize ang government transactions at palakasin ang transparency. RNT/MND