MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Internal Revenue na umabot sa P422.378 bilyon ang gross collection nito noong Abril, mas mataas ng P12.776 bilyon o 3.12% kaysa target.
Ayon sa BIR, nakamit ito kahit pinalawig ni Ferdinand Marcos Jr. ang deadline ng paghahain ng 2025 Annual Income Tax Returns (AITR) mula Abril 15 hanggang Mayo 15.
Mas mataas din ito ng P551.11 milyon o 0.13% kumpara sa koleksyon noong Abril 2025.
Sinabi ni Internal Revenue Commissioner Charlito Martin Mendoza na nakatulong ang pinaigting na tax campaign ng National Office, Revenue Regions, Revenue District Offices, at Large Taxpayer Service upang mahikayat ang maagang at boluntaryong pagbabayad ng buwis.
Ayon kay Mendoza, “Even with the extension of the Annual Income Tax Return filing deadline, the BIR sustained solid collection performance in April, reflecting the impact of higher taxpayer confidence, better digital services, and continuing reforms under the BIR DARES reform agenda.”
Mula Enero hanggang Abril 2026, umabot sa P1.155 trilyon ang kabuuang koleksyon ng BIR, mas mataas ng P9.631 bilyon o 0.84% sa target.
Mas mataas din ito ng 3.58% o P39.92 bilyon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Pinaalalahanan naman ni Mendoza ang mga taxpayer na gumamit ng extension na isumite at bayaran ang kanilang income tax hanggang Mayo 15, 2026 upang maiwasan ang dagsa sa huling araw. RNT/MND