MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hypothetical lamang ang naunang pahayag tungkol sa posibleng bagong subpoena laban kay Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, walang legal na basehan sa ngayon para pigilan o ikulong si dela Rosa kung walang tamang proseso.
“The portion referring to CIDG was only hypothetical in nature and may have been misinterpreted during the course of the interview. I take responsibility for the confusion caused,” ani Tuaño.
Nauna niyang sinabi na maaaring maglabas ng bagong subpoena ang Criminal Investigation and Detection Group kapag nakumpirmang umalis na si dela Rosa sa Senado.
Ngunit nilinaw din ng CIDG na wala pang inilalabas na bagong subpoena o anumang bagong direktiba laban sa senador.
Nauna nang ipinatawag si dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings noong siya ay hepe ng pulisya sa Davao City at Davao Region.
Binawi kalaunan ang subpoena bilang paggalang umano sa Senado na nagbigay ng protective custody kay dela Rosa matapos lumabas ang arrest warrant ng International Criminal Court laban sa kanya.
Kinumpirma naman ni Alan Peter Cayetano na boluntaryong umalis si dela Rosa sa Senado nitong Huwebes ng madaling araw. RNT/MND