MANILA, Philippines – Muling naghain ng mosyon ang kampo ni Senator Bato Dela Rosa sa Korte Suprema upang himukin ang hukuman na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa implementasyon ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa online post ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, naghain sila ng ‘ Very Urgent Manifestation of Supervening Events with Reiterative Prayer’ upang ipanawagan ang TRO kaugnay ng naunang petisyon.
Kahapon ay naglabas ng resolusyon ang Korte Suprema na pinakokomento ang gobyerno ng Pilipinas sa loob ng 72 oras kaugnay sa mga petisyon ni Dela Rosa.
Dagdag pa rito, binanggit sa mosyon ang probisyon na “without prejudice,” na nagbibigay-daan sa hukuman na magpatupad ng agarang hakbang kung kinakailangan.
Ipinabatid din ni Dela Rosa sa hukuman ang mga “supervening events” sa Senado, na aniya’y nagpapakita ng mas agarang pangangailangan para sa TRO, status quo ante order, at iba pang injunctive reliefs upang harangin ang ICC warrant of arrest. Jocelyn Tabangcura-Domenden