MANILA, Philippines- Balik normal na ang operasyon ng Luzon at Visayas grids ngayong Sabado, Mayo 16, matapos ang tatlong sunod na araw ng red at yellow alerts, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa abiso, inanunsyo ng NGCP na ang Luzon, Visayas, at Mindanao grids ay “operating under normal conditions.”
Sa nakalipas na araw, ilang mga lugar ang nakaranas ng power outages dahil sa manual load dropping ng NGCP “to maintain the integrity of the power system.”
Mula Miyerkules, Mayo 13, inilagay sa yellow at red alerts ang Luzon at Visayas dahil sa manipis na suplay sa mataas na demand ng mga consumer sa peak hours.
Ang yellow alert ay nangangahulugan na may manipis na suplay ng reserbang kuryente habang ang red alert ay hindi na sapat ang suplay ng kuryente para tugunan ang demand at mapanatili ang required operating reserves ng grid.
Nagpatuloy ang mga alert na ito hanggang nitong Biyernes, Mayo 15.
Ayon sa NGCP, hanggang alas-6 ng umaga nitong Sabado ay may available capacity na 15,799 megawatts ang Luzon na mas mataas sa 12,107 MW demand.
Samantala, ang available capacity ng Visayas grid ay nasa 2,768 MW laban sa demand na 2,339 MW.
“Barring any unexpected increase in demand or additional unplanned outages of power facilities, the power situation for this weekend is expected to remain stable,” sinabi ng grid operator.
Itinuro ang mabuting sitwasyon ng kuryente sa “declaration of full capacity” ng ilang major power plants, kabilang ang GNPD 1 sa 668 MW, EERI 2 sa 422 MW, at EERI 3 sa 420 MW.
Dahil dito ay tumaas ang kapasidad ng Luzon ng 1,510 MW.
Idinagdag pa na ang karagdagang suplay, na sinamahan pa ng “typically lower system demand during weekends,” ay lumikha ng surplus capacity. RNT/JGC