Home NATIONWIDE Pagbasura sa petisyon ni Sen. Bato sa SC, hiniling ng OSG

Pagbasura sa petisyon ni Sen. Bato sa SC, hiniling ng OSG

50
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC) na ibasura ang petisyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

Sa 83-page na isinumiteng komento, sinabi ng OSG na walang sapat na basehan ang mosyon ni dela Rosa upang pigilan ang kanyang pag-aresto at pagsuko sa ICC.

Ayon sa OSG, “Senator dela Rosa is not entitled to an injunctive writ to enjoin his arrest and surrender to the ICC.”

Iginiit ng OSG na walang malinaw na karapatan si dela Rosa na nangangailangan ng agarang proteksyon, at wala ring sapat na ebidensya ng seryosong paglabag sa kanyang karapatan. Sinabi rin nitong hindi napatunayan ng senador ang agarang pangangailangan para sa temporary restraining order (TRO).

Pinanindigan din ng OSG na balido ang CIDG subpoena na kalaunan ay binawi, at hindi maaaring gamitin ni dela Rosa ang parliamentary immunity upang makaiwas sa pananagutan.

Ayon pa sa OSG, maituturing ding “fugitive from justice” si dela Rosa dahil umano sa sinadyang pag-iwas sa pag-aresto.

Nauna nang naghain si dela Rosa ng petisyon sa SC upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity for murder na may kaugnayan sa war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si dela Rosa ay dating hepe ng Davao City Police at naging chief ng Philippine National Police noong panahon ni Duterte bilang alkalde at pangulo.

Hindi naglabas ng TRO ang Supreme Court at inatasan lamang ang mga opisyal ng gobyerno na magsumite ng komento sa petisyon ng senador.

Matapos ang naging desisyon ng SC, muling nawala si dela Rosa matapos magpakita sa Senado upang bumoto sa pagpapalit ng liderato ng Senado. Anim na buwan siyang hindi nakita sa Senado matapos mabalitang may arrest warrant laban sa kanya.

Noong Biyernes, kinumpirma rin ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na naglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay dela Rosa dahil sa ICC arrest warrant. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here