Home OPINION CASH INCENTIVES PARA SA MGA NAKATATANDANG UMABOT SA MILESTONE AGES

CASH INCENTIVES PARA SA MGA NAKATATANDANG UMABOT SA MILESTONE AGES

56
0

SAN FERNANDO CITY, PAMPANGA — Sa pagpapatuloy ng eksklusibong panayam ng inyong Agarang Serbisyo Lady kay Regional Director Emmanuel Daez, CESO IV, ng National Commission for Senior Citizens (NCSC) Central Luzon, isa sa mga pa­ngunahing naging paksa ay ang pamamahagi ng centenarian cash incentive at ang mga tinatawag na milestone ages na 80, 85, 90, at 95 taong gulang.

Ayon kay Regional Director Emmanuel Daez, malinaw na may umiiral na programa ang pamahalaan para sa pagkilala at pagbibigay ng insentibo sa mga nakatatandang umaabot sa ga­nitong edad. Subalit, inamin niya na marami pa rin sa ating mga kababayan at mga pamilya ng seniors ang nalilito dahil sa mga maling impormasyon na patuloy na kumakalat sa social media at sa iba pang hindi beripikadong sources.

“Isa sa mga pangunahing ha­mon sa kasalukuyan ay ang mi­sinformation,” paliwanag ni RD Emmanuel Daez. May mga bali-balita umanong awtomati­ko ang pagbibigay ng lahat ng be­nepisyo o kaya naman ay may sinasadyang antala (delay) sa pamamahagi, na mariing pina­sinungalingan ng direktor. Kaya naman lubos na mahalaga para sa NCSC ang tamang pagpapakalat (dissemination) ng impormasyon. Dagdag pa niya, ang lahat ng benepisyo ay mahigpit na nakabatay sa umiiral na batas at mga alituntunin, at kinakaila­ngang dumaan sa tamang pro­seso ng validation.

Upang bigyang-linaw ang publiko, inilahad ni RD Emmanuel Daez na noong March 17, 2024 lamang naging epektibo ang pi­nalawak na batas, at nitong nakaraang taong 2025 lamang ito opisyal na nagkaroon ng ka­ukulang pondo para sa implementasyon. Dahil dito, ang mga nakatungtong lamang sa edad na 80, 85, 90, at 95 simula nang maging epektibo ang batas ang siyang makakatanggap ng Php10,000.

Nilinaw rin ng direktor na hindi totoong Php25,000 o Php1 milyon ang ibinibigay ng komisyon. Ang makatatanggap lamang ng hanggang Php 100,000 ay ang mga nakarara­ting sa natatanging edad na 100 taong gulang (centenarians).

Mahalagang Paalala: Hindi kasama sa naturang programa ang mga nakatatandang nasa na­papagitnaang edad o in-bet­ween ages (tulad ng edad 81 hanggang 84, 86 hanggang 89, 91 hanggang 94, at 96 hanggang 99). Ang insentibo ay eksklu­sibo lamang para sa mga eksaktong nakarating sa edad na 80, 85, 90, 95, at 100.

Bilang mahalagang payo sa mga pamilya, nag-iwan ng pa­alaala si RD Emmanuel Daez: mga apat (4) na buwan bago sumapit ang milestone birthday ng mga Lolo at Lola ay magpasa na agad ng mga kinakailangang rekisitos sa tanggapan ng NCSC o sa kanilang lokal na yunit. Ito ay upang maagang maiprose­so ang mga dokumento at matiyak na mapapasakamay nila ang ka­rampatang benepisyo sa eksaktong araw ng kanilang ka­arawan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here