Home NATIONWIDE Bagong singilin ng DTI sa ads, sales promotion, pinalagan ni Bam: ‘Pabigat...

Bagong singilin ng DTI sa ads, sales promotion, pinalagan ni Bam: ‘Pabigat sa consumer’

54
0

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Bam Aquino ang Department Administrative Order (DAO) ng Department of Trade and Industry (DTI) na magtatakda ng mandatory permits para sa lahat ng advertisements at sales promotions bago mailathala.

Ayon kay Aquino, magpapabigat ito sa maliliit na negosyo at online sellers na nahihirapan na sa krisis sa langis at mataas na operational costs.

Sa ilalim ng panukalang DAO, maaaring kailanganing kumuha ng permit at magsumite ng aplikasyon ang mga negosyo nang hindi bababa sa 30 working days bago maglabas ng mga advertisement, kabilang ang digital ads, sponsored posts, videos, billboards, at promotional campaigns.

Saklaw nito ang parehong traditional at digital advertising platforms kung maipapatupad.

“Hindi pa nga nakakabangon ang ating maliliit na negosyo sa epekto ng krisis sa langis, papatawan na naman natin sila ng panibagong pasanin,” sabi ni Aquino, isang kilalang MSME at consumer advocate na may-akda ng Go Negosyo Act sa kanyang unang termino bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

Ang Go Negosyo Law ay nagbibigay sa mga MSME—na bumubuo sa 99 porsyento ng mga trabaho sa bansa—ng mas malaking access sa merkado at financing, naglalaan ng mga training at capacity-building programs, at nagpapadali sa proseso ng pagpaparehistro ng negosyo para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalawak ng kanilang mga negosyo.

“Imbis na pabayaang makadiskarte ang mga maliliit na negosyo para madagdagan ang kita, lumilikha tayo ng dagdag na pasanin at proseso na hahadlang sa kanilang pagpasok sa merkado at paglago,” dagdag pa niya.

Ayon kay Aquino, imbes na tugunan at ayusin ang mga mapanlinlang na advertisement, nagdadagdag pa ang DAO ng panibagong pasanin at karagdagang burukrasya sa mga negosyo, lalo na sa MSMEs.

“Mahalaga ang consumer protection na isa sa mga pangunahing tungkulin ng DTI, subalit ang regulation ay targeted, praktikal, at naaakma,” paliwanag niya.

Giit ng senador, ang 30-day DTI approval ay hindi lamang pabigat kundi maaari ring makasagabal sa mga negosyo na umaasa sa mabilis na marketing at promotional campaigns para manatiling competitive.

“Sa panahon ngayon kung saan mabilis ang takbo ng negosyo, lalo na online, hindi makatarungan na paghintayin ng isang buwan ang mga negosyante bago sila makapaglabas ng advertisement o promotion,” sabi ni Aquino.

Nagbabala rin siya na maaaring hindi na magpatuloy ang mga entrepreneurs at MSMEs na walang kakayahang pinansyal dahil sa dagdag na requirements.

“Hindi rin biro ang mga nakalagay na bayarin na dagdag pasakit pa sa ating mga negosyo, lalo na sa nagsisimula pa lang. Baka sa halip na mahikayat natin silang magnegosyo ay baka mag-atrasan sila dahil sa dagdag gastos at matagal na proseso,” dagdag niya, at binanggit na ang P975 hanggang P9,295 na bayad kada advertisement ay pabigat sa MSMEs at online sellers.

Ayon kay Aquino, bagaman may umiiral na mga batas laban sa mapanlinlang na advertisement sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines, tila pinalalawak nang husto ng panukalang DAO ang saklaw ng permit, kabilang sa digital space, na kailangang busisiin upang matiyak ang pagsunod sa ease of doing business policies at aktwal na kalagayan ng MSMEs.

Nagpahayag din siya ng pag-aalala na maaaring ituring na prior restraint ang panukala dahil nangangailangan ng pahintulot ng gobyerno bago makapaglabas ng anumang commercial expression, na posibleng magbukas ng isyu sa Konstitusyon.

Bagama’t binibigyan ng Republic Act No. 11967 o Internet Transactions Act ang DTI ng kapangyarihan sa internet use para sa e-commerce, giit ni Aquino na hindi nito awtomatikong binibigyan ng awtoridad na magpatupad ng universal approval para sa lahat ng advertisement.

Nanawagan siya sa DTI na isantabi ang panukala at ituon ang pansin sa pagpapatupad ng mas mahigpit na aksyon laban sa mapanlinlang at pekeng advertisements sa halip na parusahan ang mga lehitimong negosyo.

“The DTI should focus on going after deceptive and fraudulent advertisements, instead of creating additional hurdles for legitimate businesses trying to reach their customers,” wika niya.

Noong nakaraang taon, binatikos din ni Aquino ang DTI dahil sa ipinataw nitong hindi kinakailangang pasanin sa MSMEs sa pamamagitan ng DAO 25-12 na ginagawang mandatory ang “Trustmark” para sa lahat ng online businesses, na naging dahilan upang ipagpaliban ng ahensya ang mandatory registration. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here