Home LIFESTYLE HEALTH Isa pang crew ng cruise ship, nagpositibo sa Hantavirus — WHO

Isa pang crew ng cruise ship, nagpositibo sa Hantavirus — WHO

109
0

GENEVA, Switzerland – Kinumpirma ng World Health Organization (WHO) na isa pang crew member ng cruise ship na MV Hondius ang nagpositibo sa hantavirus matapos mag-disembark sa Canary Islands sa Spain at ma-repatriate sa Netherlands.

Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus noong Biyernes, “Today, the Netherlands confirmed an additional case among a crew member who disembarked in Tenerife, was repatriated to the Netherlands and has been isolating since then.”

Dahil dito, umabot na sa 12 ang kabuuang suspected at confirmed cases ng outbreak, kabilang ang tatlong nasawi. Nilinaw rin ni Tedros na wala nang bagong pagkamatay mula Mayo 2 nang unang iulat ang outbreak.

Patuloy na pinaalalahanan ng WHO ang mga apektadong bansa na bantayang mabuti ang mga pasahero at crew sa buong quarantine period.

“More than 600 contacts continue to be followed in 30 countries, and a small number of high-risk contacts are still being located,” dagdag ni Tedros.

Ayon sa Dutch health authorities (RIVM), ang nagpositibong crew member ay naospital bilang pag-iingat at naka-isolate. Nakumpirma ang resulta ng dalawang laboratoryo.

Sinabi rin ng RIVM na maliit lamang ang posibilidad ng pagkalat sa Netherlands at nananawagan ng kalmado.

Ang MV Hondius ay bumiyahe mula Ushuaia, Argentina noong Abril 1, dumaan sa ilang isla sa South Atlantic, at kalaunan ay tumuloy sa Cape Verde at Canary Islands bago dumaong sa Rotterdam, Netherlands, kung saan isinailalim sa quarantine ang crew.

Ang hantavirus ay naipapasa sa pamamagitan ng daga at bihirang sakit na wala pang bakuna o partikular na lunas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here