Home OPINION NEUTRAL O PANANAKOT: SINONG TOTOONG NILILITIS?

NEUTRAL O PANANAKOT: SINONG TOTOONG NILILITIS?

51
0

SA usapin ng impeachment, paulit-ulit nating naririnig ang panawagang maging “impartial” o walang kinikilingan ang mga senador na hahawak sa paglilitis. Maganda itong pakinggan. Sa prinsipyo, tama ito. Ngunit ang tanong: pare-pareho ba ang pamantayan ng pagiging neutral, o nagiging neutral lamang kapag naaayon sa nais ng isang panig?

Marami sa mga matitinding kritiko ni Vice President Sara Duterte ang nagsasalita ngayon tungkol sa pagiging patas. Ngunit kapansin-pansin din na ilan sa mga mismong nagsusulong ng impeqchment ay matagal nang nagpahayag ng matitinding posisyon laban sa bise presidente. Kung noon pa lamang ay malinaw na ang kanilang paninindigan, hindi ba’t may karapatan ding itanong ng publiko kung saan nagsisimula at nagtatapos ang pagiging patas?

Mas mabigat pa rito ang lumalabas na tanong sa isip ng marami na bakit tila sunod-sunod ang mga kasong iniuugnay sa mga personalidad na itinuturing na kaalyado o posibleng pabor kay VP Sara?

Kapag ang mga senador o personalidad ay nakikitang malapit sa isang panig, at saka haharap sa mga alegasyon o kaso, natural na may mga magtatanong kung ito ba ay simpleng pagkakataon lamang o bahagi ng mas malawak na laro ng impluwensya.

Dapat maging malinaw: ang paghahain ng kaso ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagkakasala. Ngunit sa larangan ng pulitika, minsan sapat na ang usok upang magdulot ng pagdududa. At ang pagdududa ay maaaring maging sandata ng pressure.

Sa dulo, hindi impeachment ang tunay na nililitis kundi ang kredibilidad ng ating mga institusyon. Delikado kapag nagmumukhang ang conviction ay tinatawag na “neutral,” samantalang ang acquittal ay agad binabansagang “bias.” Hindi dapat ipinipinta ang katarungan ayon sa kulay ng pulitika.

Kung tunay na patas ang laban, hayaang ebidensya ang magsalita—hindi takot, hindi pressure, at lalong hindi ang pangambang baka mali ang maging susunod na nakaupo sa kapangyarihan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here