MANILA, Philippines — Lumagda ang pamahalaang lungsod ng Maynila at ang gobyerno ng Moscow sa isang cooperation program na nakatuon sa turismo, kalakalan, kultura, edukasyon, at urban development nitong Lunes, Mayo 25.
Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang paglagda sa kasunduan, na ikalawang partnership agreement sa pagitan ng Maynila at Moscow mula noong 2023.
Kabilang sa mga prayoridad na saklaw ng kasunduan ang turismo, kalakalan, kultura, edukasyon, transport infrastructure, kalusugan, social protection, environmental protection, at public safety.
Ayon kay Domagoso, direktang makikinabang ang mga residente ng Maynila sa naturang partnership dahil magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga Manilenyo.
Sinabi ng alkalde na matagal nang bukas ang Maynila sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa at naniniwala siyang mahalaga ang kultura at sining sa pagpapalakas ng pagkakaunawaan ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Dagdag pa ni Domagoso, inaasahang lilikha ang cooperation program ng mas maraming oportunidad sa larangan ng turismo, edukasyon, kultura, at negosyo na makatutulong sa trabaho, pag-aaral, at pag-unlad ng mga residente ng lungsod.
Nagpaabot din ng imbitasyon ang alkalde sa mga Russian investors at turista upang bumisita at mamuhunan sa Maynila.
Binigyang-diin din ni Domagoso na isa ang Maynila sa may pinaka-komplikadong urban environment sa Asya dahil sa dami ng populasyon nito na umaabot sa halos dalawang milyong residente sa gabi at tatlong milyon naman sa araw.
Samantala, sinabi ni Sergei Cheryomin na unang lumagda sa cooperation agreement ang Moscow at Maynila noong 2023, dahilan upang maging unang Russian region ang Moscow na nakipagpartner sa kabisera ng Pilipinas.
Saklaw ng bagong cooperation program para sa 2026 hanggang 2028 ang pagpapatuloy ng mga joint initiatives sa edukasyon, transport data sharing, zoo cooperation, at cultural exchanges kabilang ang performances ng Philippine Madrigal Singers.
Inimbitahan din ng Moscow government ang Maynila na lumahok sa International Municipal Forum na gaganapin sa Moscow ngayong Nobyembre kung saan inaasahang dadalo ang mahigit 100 bansa at 500 municipal leaders mula sa iba’t ibang panig ng mundo. JAY Reyes