Home NATIONWIDE Solons, NGCP nagbanggaan sa Kongreso: Kakapusan sa supply, ‘di reporting delay, ugat...

Solons, NGCP nagbanggaan sa Kongreso: Kakapusan sa supply, ‘di reporting delay, ugat ng brownout 

89
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Murang Kuryente Party-list Rep. Art Yap sa pagdinig ng House Committee on Energy na ang pangunahing sanhi ng nararanasang rotational brownout sa bansa ay kakulangan sa supply ng kuryente at hindi ang umano’y pagkaantala sa incident reporting ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Yap ang Department of Energy (DOE) kung ang tinatalakay ba ay ang reporting compliance ng NGCP o ang mas malaking isyu ng insufficient generation capacity na nagdudulot ng brownout.

“Sa DOE, you’re trying to tell me that the entire explanation on rotating brownout ay dahil hindi nakapag-file on time ang NGCP sa report nila?” ani Yap.

Giit niya, ang ugat ng problema ay imbalance sa supply at demand. “Real issue is supply and demand. Kung sobra ang supply, bakit may rotating brownouts? Late report ba ng NGCP ang dahilan o kulang ang supply kaya may brownout?” dagdag niya.

Bilang tugon, sinabi ni DOE Undersecretary Maria Marasigan na patuloy silang nakatatanggap ng advisories mula sa NGCP tuwing may malalaking insidente sa grid.

Samantala, dumepensa ang NGCP sa mga akusasyon ng late reporting at sinabing sumusunod sila sa lahat ng requirements.

Ayon sa kanila, agad silang nagpadala ng SMS at email advisories sa DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) ilang minuto matapos ang transmission disturbance noong Mayo 13, kahit na lumampas sa itinakdang oras ang pormal na Significant Incident Report dahil sa operasyon ng grid.

Ipinaliwanag ng NGCP na nanatiling normal ang Luzon Grid matapos mag-trip ang Dasmariñas–Ilijan at Ilijan–Tayabas 500kV transmission lines. Ayon pa sa kanila, nagkaroon lamang ng grid alerts nang mag-unplanned shutdown ang ilang planta gaya ng Binga, Casecnan, at Limay, kasabay ng pagtaas ng demand na umabot sa 312 megawatts.

Binigyang-diin din ng kumpanya na bago pa ang insidente, 31 power plants na ang nasa forced outage o reduced capacity noong Mayo 12, isang araw bago ang grid disturbance.

Batay sa datos ng NGCP mula 2016 hanggang 2025, 235 sa 243 red alerts o 96.7% ay dulot ng kakulangan sa generation supply, habang maliit na bahagi lamang ang may kinalaman sa transmission issues.

“NGCP can only transmit power that is available. If supply is insufficient, no amount of transmission capacity can compensate for energy that simply is not there,” giit ng kumpanya.

Nagbabala rin ang NGCP laban sa pag-uugnay ng grid alerts sa iisang sanhi lamang. “To peg the May 13 to 15 grid alerts as caused only by the transmission outage is not only misleading,” ayon sa kanila.

Idinagdag din ng operator na nananatiling hamon ang pagpasok ng solar power sa grid, dahil nawawala ang output nito sa gabi, kaya ang mga red alert ay kadalasang tumatagal mula hapon hanggang hatinggabi.

Kasabay nito, nanawagan ang NGCP para sa komprehensibong energy strategy na nakatuon sa sapat na baseload generation, balanseng energy mix, at long-term planning.

Tiniyak din ng kumpanya sa House panel na bukas at transparent sila sa imbestigasyon at walang intensyong magtago ng impormasyon, habang patuloy ang pagsusuri sa sanhi ng mga nagdaang grid disturbances. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here