CEBU, Philippines – Isang American national ang nananatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation sa Central Visayas matapos siyang maaresto sa isang condominium unit sa Cebu City kasama ang dalawang menor de edad noong Linggo ng gabi, Mayo 24.
Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon bandang 8:30 p.m. matapos ang tip mula sa TIP Helpline ng Department of Social Welfare and Development Field Office 7.
Nasagip ang dalawang batang lalaki na may edad 10 at 15, na kalaunan ay isinailalim sa pangangalaga ng DSWD.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang dayuhan ay umano’y “caught in the act” kasama ang mga menor de edad sa loob ng unit, at hindi sila magkamag-anak.
Ayon sa mga ulat, sinabi ng mga bata na inaalok sila ng bayad na ₱1,000 hanggang ₱1,500 kapalit ng pananatili sa condo.
Inihayag din umano ng mga menor de edad na pinasasabay silang maligo kasama ang dayuhan habang walang saplot, at may dagdag na bayad kung sasama sila sa mall.
Dahil dito, kinasuhan ang foreign national sa paglabag sa Republic Act 7610 o Child Protection Law.
Patuloy pa ang imbestigasyon habang hinihintay ang karagdagang detalye mula sa mga awtoridad. RNT/MND