MANILA, Philippines – Inilunsad ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) nitong Martes ang National Problem Gambling Helpline (NPGH) upang tugunan ang lumalalang kaso ng online gambling addiction sa bansa.
Maaaring tawagan ang helpline sa (02) 8248-9568 para direktang makakonekta sa mga trained counselors na nagbibigay ng confidential na suporta at counseling para sa mga may problemang kaugnay ng sugal. Bukas ito 24 oras araw-araw, 7 araw sa isang linggo.
Ayon kay Pagcor Chairman Alejandro Tengco, bukas ang helpline para sa lahat ng may problema sa sugal, kabilang na ang mga pamilya ng mga apektado.
“This National Problem Gambling Helpline that we are launching today reflects Pagcor’s commitment to ensure that the gaming industry remains productive, well-governed, humane, and accountable,” ayon sa talumpating binasa ni Daniel Cecilio ng Pagcor.
Dagdag pa niya, bagaman itinuturing na libangan ang sugal para sa marami, maaari rin itong mauwi sa seryosong problema.
“But for some, what may start as entertainment can gradually lead to financial strain and ruin, emotional distress, damaged relationships, and isolation.”
Ipinaliwanag na ang NPGH ay ipinatutupad sa pakikipagtulungan ng Seagulls Flock Organization Inc., na tumutulong sa prevention, treatment, at recovery ng mga may addiction.
Ayon kay SFO Chairperson Teresita “Chit” Castillo, ang programa ay tututok sa guidance, triage, at long-term support, pati referral sa crisis situations at treatment centers.
May 12 na para-counselors na kasalukuyang naka-assign sa tatlong shifts, at inaasahang madaragdagan pa ang mga ito.
Samantala, kinilala rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lumalalang problema ng online gambling addiction sa bansa at sinabing patuloy itong tinutugunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng mas mahigpit na regulasyon.
Ayon sa Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, itinuturing nila itong “moral and social crisis” na nakakasira sa mga indibidwal, pamilya, at lipunan.
Sinabi rin ni Tengco na mahigit ₱100 bilyon ang kinikita ng gobyerno mula sa online gambling kada taon, at nakapagbibigay ito ng trabaho sa humigit-kumulang 32,000 katao at marami pang iba sa mga kaugnay na industriya.
Itinuro rin niya ang illegal online gambling operators bilang dahilan ng “chaos” sa bansa, kabilang ang pagkalat ng sugal sa mga menor de edad at paglala ng addiction. RNT/MND