MANILA, Philippines – Iginiit ng bagong talagang Acting Labor Secretary Francis Tolentino na hindi dapat inilalagay sa loob ng construction site ang mga barracks ng mga manggagawa, kasunod ng pagbagsak ng isang siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag matapos niyang bisitahin ang lugar ng insidente sa Barangay Balibago at makipagpulong sa mga regional official ng Department of Labor and Employment.
Kabilang sa kanyang tinukoy na problema ang presensya ng tulugan ng mga construction worker sa loob ng construction premises, na aniya ay nagdudulot ng seryosong panganib.
“Maliwanag yun e, yung barracks wala dapat sa loob ng premises, labas yun,” ani Tolentino.
Dagdag pa niya, hindi rin dapat pinapayagan ang mga pamilya ng construction workers na manatili sa loob ng construction site.
“Maliwanag din na hindi dapat isama yung pamilya nung construction workers sa loob. They don’t have a right to be there. Although siguro ginagawa ng mga construction worker yun para mas matipid sila, doon na rin kakain yung pamilya nila pero delikado, lalong lalo na may bata,” dagdag niya.
Ayon sa kalihim, maaaring nakakalusot sa ilang construction firms ang ganitong mga paglabag dahil sa kakulangan ng labor inspectors.
Sa Region 3 lamang aniya ay may humigit-kumulang 7,000 na construction projects ngunit 38 lamang ang inspection teams, kaya hirap sa pagpapatupad ng regulasyon.
Nauna nang naglabas ng stoppage order ang DOLE sa naturang construction site noong Setyembre 2024 dahil sa mga paglabag sa occupational safety standards.
Binigyan ni Tolentino ng deadline na hanggang Hunyo 12 ang DOLE investigating team upang alamin kung sumunod sa regulasyon ang contractor na Golden Years Construction Company matapos ang naunang kautusan, at upang matukoy ang iba pang posibleng pananagutan.
Nagbabala rin siya sa posibleng parusa kabilang ang multang P100,000 kada araw at pagsasara ng operasyon para sa malulubhang paglabag.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 47 katao ang apektado ng insidente, kabilang ang 26 na nakaligtas at apat na kumpirmadong nasawi, habang tinatayang 16 pa ang nawawala at posibleng naiwan sa ilalim ng gumuhong gusali. RNT