Home NATIONWIDE Pagpondo sa Boracay bridge, tuloy – Ramong Ang

Pagpondo sa Boracay bridge, tuloy – Ramong Ang

62
0

BORACAY – Itinanggi ng San Miguel Corporation (SMC) na umatras ito sa planong P7.8-bilyong Boracay Bridge project na mag-uugnay sa Boracay Island at Caticlan sa mainland Aklan, ayon sa chairman at CEO nitong si Ramon Ang.

Kinumpirma ni Ang sa isang ulat na tuloy ang proyekto ng kumpanya, kasalungat ng naunang pahayag ni Aklan Governor Jose Enrique Miraflores na umano’y umatras na ang infrastructure arm ng SMC sa proyekto.

“Not true,” ani Ang nang tanungin tungkol sa naturang ulat na lumabas umano matapos ang stakeholders meeting sa Boracay kasunod ng kanilang pag-uusap noong Mayo 13, 2026.

Ang halos P8-bilyong Boracay Bridge project ay iginawad sa San Miguel Corporation sa pamamagitan ng San Miguel Holdings Corporation sa ilalim ng public-private partnership kasama ang Department of Public Works and Highways.

Ang planong tulay ay may habang humigit-kumulang 2.54 kilometro, kabilang ang 1.14-kilometrong pangunahing tulay, at may mga road lanes, pedestrian walkways, bicycle lanes, at utility systems.

Nahaharap sa pagtutol ang proyekto mula sa iba’t ibang grupo, kabilang ang mga boat operator na kinakatawan ng Caticlan-Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative, gayundin ang mga environmental advocate at lokal na sektor.

Kabilang sa mga pangamba ang posibleng epekto sa kabuhayan, coral reefs, marine ecosystems, at sa environmental carrying capacity ng Boracay. Ayon sa ilang kritiko, maaari umanong magdulot ang proyekto ng hindi na mababawi pang pinsala sa kalikasan.

Gayunman, may ilang sektor na naniniwalang maaaring mapabuti ng tulay ang transportasyon, mapalakas ang turismo, at magbigay ng mas mabilis na access sa oras ng emergency, lalo na kapag apektado ng masamang panahon ang biyahe sa dagat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here