MANILA, Philippines – Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla noong Miyerkules na hihilingin niya sa Department of Justice na maglabas ng hold departure order laban sa may-ari at contractor ng bumagsak na siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Remulla, bumuo na ng fact-finding team at inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group upang pangunahan ang imbestigasyon sa posibleng pananagutang kriminal ng may-ari na si Ernest Jackson Lim at contractor na si Joel Young.
Iniimbestigahan din ang ulat na may barracks ng mga construction worker na umano’y inilagay sa ilalim ng gusaling ginagawa pa lamang.
Ayon kay Remulla, ipinagbabawal ng labor rules at building code ang pagtulog ng mga manggagawa sa loob ng gusaling under construction.
“That is the cause of the high amount of deaths,” aniya.
Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibleng kapabayaan ng engineer ng Angeles City at building official sa inspeksyon ng proyekto.
Magpapadala rin ang Department of the Interior and Local Government ng mga engineer upang suriin ang kalidad ng semento at bakal na ginamit sa istruktura upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng gusali. Santi Celario