Home OPINION PAGTUTOL NG SENATE MINORITY SA VIDEO CONFERENCING PAPABOR KAY VP SARA

PAGTUTOL NG SENATE MINORITY SA VIDEO CONFERENCING PAPABOR KAY VP SARA

139
0

NAGKAROON ng walkout ang ilang minority senators dahil sa pagtutol nila sa mungkahing payagan ang video conferencing participation ng mga senador sakaling hindi sila makadalo nang personal sa mga sesyon o sa impeachment trial. Ngunit kapansin-pansin na ilan sa mga tumututol ngayon ay dati ring nagsulong ng kahalintulad na panukala noong nakadetine si dating Senadora Leila de Lima.

Hindi ba noong Pebrero 23, 2021, inihain nina Senators Kiko Pangilinan, Ralph Recto, Risa Hontiveros, at Franklin Drilon ang P.S. Resolution No. 658 na layuning payagan si De Lima na makalahok sa plenary sessions at committee hearings sa pamamagitan ng teleconferencing, videoconferencing, at iba pang electronic means.

Totoong hindi ito inaprubahan noon, at paliwanag ng minorya ngayon ay magkaiba naman umano ang isang simpleng resolution at ang mismong amendment ng Senate rules.

Pero ang tanong: bakit tila may matinding pagtutol ngayon sa ideya ng remote participation? Kung pagbabatayan ang mga usap-usapan at mga posibleng hakbang ng Ombudsman, may posibilidad umanong makasuhan at maaresto ang ilang senador sa mga darating na panahon. Kapag nangyari iyon, at hindi sila papayagang makilahok sa impeachment proceedings sa pamamagitan ng video conferencing, malaking epekto ito sa bilang ng mga senador na maaaring bumoto.

Kung ipagpalagay na may mahigit sampung senador na hindi makadalo physically, at lahat ng natitirang dumadalong senador ay pabor sa conviction ni Vice President Sara Duterte, maaari pa ring hindi maabot ang kinakailangang two-thirds vote o 16 boto para sa conviction. Kapag nangyari iyon, hindi malayong gamitin ito ng kampo ni VP Sara upang maghain ng motion to dismiss dahil imposible nang maabot ang kinakailangang bilang para magpatuloy ang conviction.

Mahalagang tandaan na malinaw sa Article VI, Section 16(1) ng Saligang Batas na “A majority of each House shall constitute a quorum to do business, but a smaller number may adjourn from day to day and may COMPEL THE ATTENDANCE OF ABSENT MEMBERS, in such manner, and under such penalties, as such house may provide.”

Sa madaling salita, maaaring pilitin ng Senado ang pagdalo ng mga absenteng miyembro upang magkaroon ng quorum. Ngunit kung sa mga korte ay pinapayagan ang videoconferencing para sa mga abogado, testigo, at maging mga akusado, bakit tila hirap itong tanggapin sa impeachment court?

Sa gitna ng mainit na usaping pulitikal, marapat sigurong isipin kung ang pagtutol ba sa videoconferencing ay usapin lamang ng prinsipyo—o isang hakbang na maaaring hindi sinasadyang mas makatutulong pa sa depensa ni VP Sara Duterte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here