MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Energy (DOE) nitong Biyernes na mataas ang posibilidad ng rollback sa presyo ng langis sa susunod na linggo batay sa paunang datos ng kalakalan.
Ayon kay DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad, ipinapakita ng apat na araw na trading sa Means of Platts Singapore ang posibleng bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo, kabilang ang diesel na posibleng bumaba ng P8 kada litro, gasolina ng P4 kada litro, at kerosene ng P10 kada litro.
Gayunman, nilinaw ni Abad na pinapayagan ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng kanilang sariling price adjustment range na isasaalang-alang ng DOE sa pagtukoy ng pinal na presyo, upang matiyak na hindi sila malulugi.
“Ang submission nila ay after Friday din, so Saturday ho yan, and then we consolidate para ho makita naming yung kanilang actual na nae-experience,” ani Abad.
Hinikayat din ng DOE ang publiko na i-report ang mga gasolinahang umano’y nagkakabit ng hindi awtorisadong dagdag-presyo bago ang inaasahang rollback, at iginiit na kailangang may kompletong detalye ang mga reklamo.
“Kailangan ho talaga officially mai-report sa amin, hindi yung parang kwento kwento lang. Dapat sana mabigyan kami ng specific address saan yan,” dagdag niya. Dave Baluyot