KABUL, Afghanistan – Hindi bababa sa 22 katao ang nasawi habang nasa 36 naman ang nasugatan matapos tumaob ang isang truck na sakay ang mga Afghan refugee na pabalik mula sa Pakistan sa isang highway sa silangang Afghanistan noong Sabado, ayon sa mga opisyal.
Ayon kay Abdul Malik Niazai, tagapagsalita ng provincial governor ng Laghman province, naganap ang aksidente sa pangunahing highway na nag-uugnay sa Kabul at Nangarhar province.
Kabilang sa mga nasawi ang 10 bata at limang babae, habang ang mga sugatan ay dinala sa mga ospital sa Nangarhar.
Sinabi ng provincial public health director na si Aminullah Sharif na nawalan ng kontrol ang driver matapos itong makatulog habang nagmamaneho, dahilan upang mahulog sa kanal ang sasakyan.
Ang mga pasahero ay kabilang sa libo-libong Afghan na kamakailan lang umuwi mula Pakistan, kasunod ng crackdown sa mga migranteng Afghan simula noong 2023 na nagresulta sa deportasyon o sapilitang pag-alis ng marami.
Sa hiwalay na insidente sa Nuristan province, isang sasakyan naman ang nahulog sa ilog noong Biyernes ng gabi, kung saan nasugatan ang driver at apat na pasahero ang nawawala at patuloy na pinaghahanap ng rescue teams.
Ayon sa ulat, karaniwan ang mga aksidente sa kalsada sa Afghanistan dahil sa sirang imprastraktura at hindi pagsunod ng mga driver sa mga patakaran sa trapiko. RNT/MND