MANILA, Philippines – Ikinalugod ni House lead prosecutor at Committee on Justice Chair Gerville Luistro ang pinakahuling survey ng OCTA Research na nagpapakita na ang malaking mayorya ng mga Pilipino ay sumusuporta sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pinakahuling Tugon ng Masa survey, lumabas na 74 porsyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang pabor na hayaan ang Senado na magpatuloy sa impeachment trial 21 porsyento ang tutol sa paglilitis, habang 4 na porsyento ang undecided.
“Well, we welcome that survey, it only validates what we believe is the demand of the Filipino people now,” pahayag ni Luistro sa isang press conference.
Sinabi ni Luistro na sumasalamin ang resulta ng survey sa hangarin ng publiko na makitang umusad ang constitutional process.
“Nakikita naman natin na ang gusto talaga ng taumbayan ay magtuloy-tuloy itong impeachment trial and this is what accountability mechanism is all about,” ani Luistro.
Ipinakita sa OCTA survey na malakas ang suporta sa paglilitis sa lahat ng pangunahing rehiyon sa bansa. Pinakamataas ang naitalang antas sa Visayas na may 82 porsyento, na sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 81 porsyento, at Balance Luzon na may 77 porsyento.
Pinakamababa naman ang suporta sa Mindanao na nasa 58 porsyento, bagamat mayorya pa rin ng mga residente roon ang pabor na ituloy ang trial. Gail Mendoza