MANILA, Philippines — Inilabas ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes ang blurred mugshots ni Senador Jinggoy Estrada at ng kanyang mga kapwa akusado sa kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y P573 milyong anomalya sa flood control projects.
Nagpalabas ang Sandiganbayan Fifth Division ng warrant of arrest noong Hunyo 1 laban kina Estrada, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, DPWH NCR Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, DPWH NCR District Engineer Manny Bumagat Bulusan, at DPWH NCR District Engineer Arturo Lombres Gonzales Jr.
Kasalukuyang nakadetine sa Quezon City Jail-Male Dormitory si Estrada at tatlo sa kanyang mga kapwa akusado.
Samantala, si Bonoan ay unang dinala sa PNP General Hospital matapos makaranas ng hypertension kasunod ng kanyang pagsuko noong Hunyo 1 bago ilipat sa isang pribadong ospital kinabukasan.
Makikita sa inilabas na mugshot na hindi suot ni Estrada ang karaniwang kulay kahel na uniporme ng mga detainee at nakapatong lamang ito sa kanyang dibdib.
Ipinaliwanag ni Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) chief Police Colonel John Guaigui na pinayagan si Estrada na magsuot ng sarili niyang damit sa booking process dahil walang available na uniporme na kasya sa kanya.
“Walang magkasya na damit sa kanya. We have lahat na ng damit na available sa amin, pinasukat namin, hindi talaga magkasya doon sa build ng katawan niya,” ani Guaigui.
“Kaya during the urgency, hindi naman na kami makakuha pa ng ibang sizes during that time ay kailangan nang i-deliver namin sa Sandiganbayan,” dagdag niya.
Mariin namang itinanggi ni Guaigui ang mga alegasyong binigyan ng espesyal na pagtrato si Estrada habang isinasagawa ang booking process. Santi Celario