MANILA, Philippines — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga financier at sindikatong nasa likod ng P13.25 milyong halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes na nasamsam sa Picong, Lanao del Sur.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensya upang matunton ang pinagmulan ng kontrabando at matukoy ang mga responsable.
“I have already directed the RD (regional director), PRO BAR to work closely with the NBI and local barangay leaders to aggressively unmask the financiers, logistics networks, and local protectors behind this shipment,” ani Nartatez.
Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 310 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P13.25 milyon sa isinagawang anti-smuggling operation sa Barangay Liangan nitong Miyerkules ng hapon.
Pinangunahan ang operasyon ng National Bureau of Investigation-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (NBI-BARMM) sa tulong ng mga yunit ng PNP sa rehiyon.
Sa paunang pagsusuri, napag-alamang walang Department of Health health warnings at Bureau of Internal Revenue tax stamps ang mga sigarilyo, na posibleng paglabag sa customs at tax laws.
Natagpuan ang mga kontrabando na inabandona sa isang bakanteng lugar sa pagitan ng mga kabahayan at wala nang naabutang suspek nang dumating ang mga awtoridad.
Dinala ang mga nasamsam na sigarilyo sa tanggapan ng NBI sa Cotabato City para sa dokumentasyon, imbentaryo at kaukulang legal na proseso.
Ayon kay Nartatez, magpapatuloy ang operasyon ng PNP laban sa mga ilegal na supply chain na nagpapahina sa kita ng gobyerno at nakaaapekto sa ekonomiya at seguridad ng mga komunidad.
“The PNP will remain relentless in breaking these illicit supply chains, as smuggling not only bleeds government revenues but also directly undermines our local economies and community security,” ani Nartatez. Mary Anne Sapico