MATAPOS ang pagsasalaysay ng 18 Marines at sundalo na may mga ebidensya sa Senado simula nitong Huwebes, malaking katanungan ngayon kung aaksyon ang Office of the Ombudsman para tanggapin ang kanilang salaysay at magsimulang mag-imbestiga sa mga opisyal ng gobyerno na isinasangkot sa P1.3 trilyon na kikbakan sa flood control program.
Matatandaang nauna nang nagsampa ng kaso sa OMB ang mga sundalo ngunit hanggang ngayon, wala pang malinaw na aksyon ang ahensya.
Isa sa mga hinahanap ni Ombudsman Boying Remulla na malinaw ay ang indibidwal na salaysay ng mga sundalo o kung grupo man, may aktwal na personal na kaalaman, karanasan at ginawa kaugnay ng kanilang salaysay.
Hindi umano pupwede ang joint affidavit.
Ngayon naman, maliwanag na ni-require nina Senate Blue Ribbon Committee sub-committee Chairman Senator Rodante Marcoleta at Senate President Alan Peter Cayetano ang mga sundalo na dapat magsalita lang ukol sa personal nilang nalalaman, karanasan at ginawa ng mga sundalo.
At ginawa naman nila iyon.
Sakaling matapos ang mga hiwa-hiwalay o grupong affidavits na naglalaman ng salaysay ng mga sundalo at ipasasakamay na nina Marcoleta at SP Cayetano ang resulta ng imbestigasyon at mga salaysay, ano na kaya ang magiging desisyon at aksyon ng OMB dito?
Sakaling magpatuloy pa ang imbestigasyon at may madadagdag pang mga saksi sa katiwalian gaya ng posibleng pagsali ni dating Congressman Zaldy Co at mga tauhan niya katulad ni Mark Ticsay na tagabilang ng salapi bago madeliber ang male-maletang kikbak sa mga isinasangkot na opisyal ng gobyerno, ano nga kaya ang gagawin ng OMB?
Paano naman kung walang gagawin ang OMB at ang mga oposisyon lang sa administrasyon ang madali nitong aksyunan, gaya ng obserbasyon ng marami?
Ang masasabi lang natin kung mangyayari ‘yan, may iba pang hukuman at kabilang na riyan ang tinatawag na hukuman bayan at nasa labas ng OMB ngunit nasa loob pa rin ng ligal at konstitusyonal sistemang pangkatarungan.






