Home NATIONWIDE PBBM balak bumisita sa mga lugar na labis naapektuhan ng lindol sa...

PBBM balak bumisita sa mga lugar na labis naapektuhan ng lindol sa Mindanao

3
0

MANILA, Philippines – May balak na pumunta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga lugar na labis na naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao.

Iyon nga lamang ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay hindi niya maibibigay ang eksaktong araw.

“Pero mayroon po siyang balak na pumunta, naka-schedule po iyon,” ani Castro.

Sa kabilang dako, inaasikaso na ayon kay Castro ang matutuluyan ng mga mamamayan na walang matirahan matapos na gumuho ang kanilang bahay dahil sa malakas na lindol na tumama rito.

“Maaari sila munang manatili sa evacuation centers at sa mga provided na tents na sinasabi po ng DSWD. So, hindi po ito pababayaan,” diing pahayag ni Castro.

Bukod sa matutuluyan ng mga naapektuhan ng malakas na lindol ay nagawan na rin aniya ng paraan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maipaabot sa mga mamamayan ang mga food packs.

“Kahit po iyong mga malalayong lugar at iyong mga lugar na hindi po naaabot ng mga sasakyan natin sa ngayon dahil nasarahan po at nagkaroon ng landslide, nagawan po nila ng paraan para maabot po ang mga kababayan natin at hindi po dapat mag-alala sa mga pagkain ‘no, sa mga food packs para makarating sa ating mga kababayan na naapektuhan ng lindol. Iyan po ang ulat ni Secretary Rex Gatchalian sa Pangulo,” ang pahayag ni Castro.

Samantala, hindi na kailangan pang ipag-utos ni Pangulong Marcos na imbestigahan ang nangyaring pagguho ng maraming establisimyento matapos ang magnitude na lindol sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.

“Actually, hindi na po kailangan mag-utos ng Pangulo. Ngayon pa lamang po alam na po ng DPWH, alam na po ng mga engineers po natin kung ano ang dapat nilang gawin. Kailangan lang pong asikasuhin iyong mga kababayan natin ngayon na naapektuhan ng lindol pero hindi po ibig sabihin ‘to na magpapakampante ang ating mga opisyal. Kailangan po talagang maimbestigahan iyan kung may mga pagkukulang o ito lang ay dahil sa force majeure,” ayon kay Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here