MANILA, Philippines – Ipinagkaloob na ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang tseke na nagkakahalaga ng P62.5 milyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) nitong Martes, Hunyo 9, bilang bahagi ng ikalawang quarter na subsidiya ng unibersidad para sa taong 2026.
Tinanggap naman ni PLM President Domingo ‘Sonny’ Reyes Jr. ang nasabing pondo sa isinagawang turnover ceremony. Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na maibalik ang regular at sapat na suporta sa pamantasan matapos itong makaranas ng kakulangan sa pondo dahil sa mga naantalang at hindi kumpletong subsidiya noong nakaraang administrasyon.
Binigyang-diin ng lungsod na bago ang unang termino ni Yorme Isko, nasa P250 milyon lamang ang taunang subsidiya ng PLM. Itinaas ito sa P360 milyon sa kanyang panunungkulan ngunit bumaba sa P210 milyon sa ilalim ng sumunod na administrasyon. Ngayon, layunin ng kasalukuyang pamahalaang lungsod na muling pataasin ang pondo upang mapalawak ang mga programa at pasilidad ng unibersidad.
Bahagi rin ng pangmatagalang plano ng lungsod ang pagpapalakas ng kakayahan ng PLM sa paghubog ng mga doktor, nars at iba pang healthcare professionals na magsisilbi sa publiko. Noong Pebrero 2026, sinimulan ang pagtatayo ng PLM College of Allied Health Sciences Building sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center complex, isang proyektong sinuportahan ni Ferdinand R. Marcos Jr..
Ayon kay Domagoso, inaasahang magpapalawak ang bagong gusali ng hospital-based training ng mga estudyante sa larangan ng medisina at allied health sciences. Mula sa kasalukuyang kapasidad na humigit-kumulang 300 mag-aaral kada taon, target ng lungsod na mapataas ito sa 5,000 estudyante taun-taon.
Kilala ang PLM sa mataas nitong performance sa mga licensure examination. Kabilang dito ang College of Medicine na kabilang sa mga nangungunang paaralan sa bansa, habang ang mga programa nito sa Nursing at Physical Therapy ay nakapagtala ng halos perpekto hanggang perpektong passing rates at maraming topnotchers sa mga pambansang pagsusulit. JAY Reyes