Home NATIONWIDE Pabago-bagong pahayag ng 18 ex-Marines, basura! – Malakanyang

Pabago-bagong pahayag ng 18 ex-Marines, basura! – Malakanyang

2
0

MANILA, Philippines – BASURA!

Ganito ilarawan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang ‘inconsistencies’ na testimonya ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y flood control anomalies.

Nauna rito, kinuwestiyon kasi ni Senador Erwin Tulfo ang hindi pagbanggit sa mga pangalan nina Senadora Loren Legarda at Senador Mark Villar sa testimonya ng 18 dating marines sa pagdinig ng Komite subalit sa mga naunang affidavit ng mga ex-Marines ay kasama umanong pinangalanan sina Legarda at Villar, ngunit hindi ito nabanggit sa aktuwal na pagdinig.

“Tutal sabi naman nila, sila ay naghahakot ng basura. So, itong mga klase na mga statements na ito na pinuna rin na bakit ang abogado ang nagsasalita at hindi iyong 18 kargador or 18 maleta boys, hindi po ito tatayo sa korte. Iyong ganitong klaseng mga statements na pabagu-bago, hindi po ito makakapasa sa masusing mga pag-aaral at pagsusuri ng korte. So, dito pa lamang po ay makikita na natin kung anu-anong klase ang mga kuwento nila para makapanira lamang,” ang pahayag ni Castro.

Sa ulat, kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang kredibilidad ng 18 na dating bodyguard ni dating kongresistang si Zaldy Co na tinawag niyang “18 kargadors.” Binatikos din niya ang pagtawag sa kanila bilang “18 marines” at maging “mga bayani.”

Sa consultative meeting ng Senate Blue Ribbon nitong Hunyo 8, sinabi ni Sen. Raffy na binabansagan silang mga bayani at dating marines upang magmukhang kapani-paniwala sa publiko habang naglalabas umano ng mga alegasyong walang sapat na batayan.

Nagpaalala rin si Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado na maging maingat sa pagbibigay ng titulong “bayani” sa mga indibidwal na sangkot sa mga seryosong alegasyon.

Pinagdudahan din niya ang kanilang pahayag na nakatanggap sila ng mga bagong iPhone 16e units noong 2024 kapalit ng kanilang pananahimik sa umano’y flood control cash-delivery scheme, gayong ang naturang modelo ay available lamang para sa pre-order noong 2025.

Nagpahayag din ng pagdududa ang senador mula sa Isabela at Davao sa pahayag ng 18 bodyguard na ang ilan sa pondong sangkot sa usapin ay ipinapalit sa US dollars sa isang money changer sa Makati malapit sa Pearlbank Center.

Sa huli, sinabi ni Tulfo na tila may mga taong nagsusubo ng impormasyon sa tinaguriang “18 kargadors” dahil nahihirapan umano silang ikuwento ang kanilang sariling bersyon ng mga pangyayari. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here