Home NATIONWIDE Paggastos ng mga guro ng sariling pera sa Balik Eskwela paiimbestigahan sa...

Paggastos ng mga guro ng sariling pera sa Balik Eskwela paiimbestigahan sa Kamara

4
0

MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa paggamit ng mga pampublikong guro ng kanilang sariling pera para sa Brigada Eskwela at iba pang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Sa ilalim ng House Resolution No. 1102, hiniling nina House Assistant Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, Akbayan Reps. Percival “Perci” Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ang pagsasagawa ng congressional inquiry sa usapin.

Ayon sa mga mambabatas, dahil sa kakulangan ng pondo para sa Brigada Eskwela at school readiness activities, napipilitan ang maraming guro na gumastos mula sa sarili nilang bulsa para sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan, pagpapanatili ng pasilidad, pagpapabuti ng kalinisan at iba pang pangangailangan ng paaralan.

“May mga ulat na gumagamit ng sariling pera ang mga guro para sa classroom repairs, maintenance ng pasilidad at iba pang gawain bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase,” ayon kay Diokno.

Layunin ng imbestigasyon na alamin kung sapat ba ang kasalukuyang pondo, funding mechanisms at accountability systems upang matiyak na handa ang mga paaralan nang hindi kinakailangang sagutin ng mga guro ang mga gastusin na dapat ay responsibilidad ng estado.

Iginiit ni Diokno na nakasaad sa 1987 Constitution ang obligasyon ng pamahalaan na magbigay ng sapat na suporta sa edukasyon at protektahan ang mga guro laban sa mga pinansyal na pasaning nakaaapekto sa kanilang kapakanan at propesyon.

Kabilang sa susuriin sa imbestigasyon ang lawak ng personal na paggastos ng mga guro, paggamit ng maintenance and operating funds ng mga paaralan, implementasyon ng mga polisiya laban sa paggamit ng sariling pera ng mga guro, at mga posibleng kakulangan sa sistema na nagtutulak sa kanila na tustusan ang mga pangangailangan ng paaralan.

Ayon sa resolusyon, layunin din ng imbestigasyon na makabuo ng mga panukalang batas para sa karagdagang pondo, reimbursement mechanisms, at iba pang hakbang upang hindi na mapilitang gumastos ang mga guro para sa operasyon at paghahanda ng kanilang mga paaralan.

Kamakailan, binigyang-diin din ng ACT Party-list ang problema ng out-of-pocket expenses ng mga guro sa Brigada Eskwela 2026. Nanawagan si ACT Party-list Rep. Antonio Tinio sa Department of Education (DepEd) na agad ilabas ang buong P10,000 teaching supplies allowance bago magsimula ang programa.

Samantala, sinabi ng DepEd na nagpapatuloy ang mga programa para sa suporta sa mga guro, kabilang ang pagbibigay ng teaching allowance sa ilalim ng Republic Act 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act.

Binigyang-diin naman ni Education Secretary Sonny Angara na hindi obligado ang mga guro na gumastos mula sa sarili nilang pera at dapat umanong gawing mas magaan ng pamahalaan ang kanilang trabaho sa halip na dagdagan ang kanilang pasanin. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here