MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng umabot sa magnitude 8.2 ang lindol na maaaring tumama sa mga lugar na nasa kahabaan ng anim na aktibong trench sa bansa.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, kabilang sa mga aktibong trench ang Philippine Trench, East Luzon Trough, Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench at Cotabato Trench.
Ang pahayag ay kasunod ng magnitude 7.8 offshore earthquake na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Lunes na iniuugnay sa Cotabato Trench.
Sinabi ni Bacolcol na ito ang pinakamalakas na lindol na naitala sa bansa ngayong taon.
Gayunman, nananatiling pinakamalakas sa kasaysayan ang magnitude 8.1 na lindol na tumama sa Mindanao noong Agosto 17, 1976.
Ipinaliwanag din ng opisyal na mahigit 300 kilometro ang haba ng Cotabato Trench kaya hindi nangangahulugang sa mismong Cotabato dapat matagpuan ang sentro ng lindol.
Binigyang-diin ni Bacolcol na anumang lugar na malapit sa aktibong trench ay maaaring makaranas ng napakalakas na pagyanig.
Dahil hindi maaaring mahulaan ang lindol, pinayuhan niya ang mga residente sa mga baybaying lugar na agad lumikas sa mataas na lugar kapag nakaramdam ng malakas na pagyanig.
Ayon sa PHIVOLCS, may tatlong natural na palatandaan ng posibleng tsunami: malakas na lindol, biglaang pagtaas o pagbaba ng tubig-dagat, at malakas na ugong mula sa karagatan.
Kapag naramdaman o nakita ang alinman sa mga ito, dapat nang agad na lumikas patungo sa ligtas at mataas na lugar, ayon sa ahensya. RNT/JGC