Home METRO Taguig magpapadala ng rescue teams, K9 units sa lugar na naapektuhan ng...

Taguig magpapadala ng rescue teams, K9 units sa lugar na naapektuhan ng lindol sa Mindanao

4
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng pamahalaang lungsod ng Taguig na nakahanda itong magpadala ng mga tauhan upang tumulong sa mga operasyon sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.

Ayon sa Taguig City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), naka-standby ang kanilang search and rescue personnel at K9 units para sa posibleng deployment kung kakailanganin.

Nakahanda rin ang mga tauhan mula sa City Health Office at City Social Welfare and Development Office upang tumulong sa mga humanitarian operations.

Kabilang sa maaaring ibigay na tulong ang psychosocial first aid, water, sanitation and hygiene (WASH) interventions, at mga hakbang para sa disease surveillance at pag-iwas sa pagkalat ng sakit.

Ayon sa Phivolcs, nangyari ang lindol bandang 7:37 a.m. noong Hunyo 8, na may epicenter na nasa 32 kilometro kanluran ng Maasim, Sarangani at may lalim na 33 kilometro. Naitala ang pinakamataas na Intensity VII (destructive) sa General Santos City.

Batay sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, umabot na sa 45 ang nasawi, 487 ang sugatan, at 17 ang nawawala dahil sa lindol.

Sa pahayag ng lungsod, ipinaabot ng Taguig ang pakikiramay sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna at panalangin para sa kaligtasan ng mga responder, volunteer, at frontliner na patuloy na tumutulong sa mga biktima.

Aabot sa 33,596 katao ang naapektuhan ng malakas na lindol. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here