Home HOME BANNER STORY Pre-trial ng impeachment case ni VP Sara, isasagawa sa Hunyo 18

Pre-trial ng impeachment case ni VP Sara, isasagawa sa Hunyo 18

4
0

MANILA, Philippines – Itinakda ng impeachment court ng Senado ang pre-trial conference ng kaso laban kay Sara Duterte sa Hunyo 18, 2026, alas-9 ng umaga, sa Sen. Claro M. Recto Room sa Senado sa Pasay City. Ito ang susunod na hakbang bago ang pormal na paglilitis.

Sa isang abiso na inilabas noong Hunyo 9, iniutos ni Presiding Officer at acting Senate President Sherwin Gatchalian na personal o sa pamamagitan ng abogado ay dapat dumalo ang magkabilang panig. Doon pag-uusapan ang mga isyu tulad ng pagsang-ayon sa mga katotohanan, paglilinaw ng mga usapin, pagmamarka ng ebidensya, pagtukoy ng mga testigo, pagtatakda ng iskedyul ng paglilitis, at ayos ng pagpresenta ng ebidensya.

Ayon sa abiso, isusumite ng dalawang panig ang kanilang pre-trial briefs bago o hanggang Hunyo 15. Dapat itong maglaman ng buod ng mga tinatanggap na katotohanan, mga isyung kailangang resolbahin, listahan ng ebidensya, at mga testigo kasama ang layunin ng kanilang testimonya.

Hindi bukas sa media at publiko ang pre-trial conference upang mabigyan ang magkabilang panig ng sapat na kalayaan sa pagtalakay ng kaso.

Pinapayagan din ang mga panig na magreserba ng ebidensyang hindi pa agad available, basta may sapat na abiso sa kabilang panig at sa impeachment court. Maaari ring hindi agad isiwalat ang ilang detalye ng mga testigo para sa seguridad, ngunit kailangang ideklara pa rin ang bilang ng mga ito.

Nagbabala ang impeachment court na maaaring mawalan ng karapatan ang sinumang hindi magsusumite ng pre-trial brief o hindi dadalo nang walang sapat na dahilan, kabilang ang posibleng hindi pagpayag na magpresenta ng ilang ebidensya o testigo. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here