Home NATIONWIDE DPWH: Mabilis na pagpapagawa ng paaralan sa Quezon City, bunga ng determinasyon...

DPWH: Mabilis na pagpapagawa ng paaralan sa Quezon City, bunga ng determinasyon ni PBBM

3
0

MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio “Vince” Dizon ang mabilis na muling pagtatayo ng nasunog na bahagi ng San Francisco High School sa Barangay Santo Cristo, Quezon City.

Ayon kay Dizon, natapos ang proyekto sa maikling panahon dahil sa matibay na determinasyon at malinaw na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad maibalik ang mga pasilidad ng paaralan para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral at guro.

Sa isinagawang inspeksyon ni Pangulong Marcos sa gusali, sinabi ng Pangulo na “malaking bagay ito dahil nais kong ipakita na kapag ang pera ng gobyerno ay ginagamit nang tama, ito ang kaya nating gawin. Kaya nating magtayo ng apat na palapag na gusali na may 60 silid-aralan sa loob lamang ng walong buwan.”

Pinuri naman ng kalihim ng DPWH ang mga inhinyero at kontratista ng proyekto na nagpakita ng dedikasyon at kasipagan upang mabilis na maitayo ang mga bagong gusali nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng konstruksyon.

Binigyang-diin din ni Dizon ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, partikular ng Department of Education (DepEd), upang matiyak ang tagumpay ng proyekto.

Inihayag ni Dizon na bukod sa paglalagay ng mga sprinkler system upang makatulong na maiwasan ang sunog sa hinaharap at pagtatayo ng mga estrukturang kayang tumagal sa lindol, natapos na rin ng DepEd ang paglalagay ng mga kagamitan at pasilidad sa mga silid-aralan.

“Makikita n’yo, pati gamit nakakatuwa ang DepEd, kasi puno na rin ang gamit, kumpleto na. So nakakatuwa talaga. ‘Pag tulong-tulong saka kapag may desidido ‘yung Pangulo, kayang gawin,” ani Dizon.

Dahil sa tagumpay ng proyekto, sinabi ni Dizon na nais niyang gawin itong modelo para sa mga susunod na rehabilitasyon at konstruksyon ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

“Gagawin ko nga dito, gagawa rin ako siguro ng competition sa mga regions at district, pabilisan, pagandahan. Sabi ko mga engineer dito, ipo-promote ko para makita nila na gumagawa ka ng tama, di ka nagnanakaw, quality ang gawa mo, mabilis, meron kang reward,” dagdag niya.

Sinabi ni Dizon na ipinakikita ng proyektong ito kung paano napabibilis ang pagpapatupad ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura sa pamamagitan ng mahusay na pamumuno at matatag na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan.

Ayon pa sa kalihim ng DPWH, ang matagumpay na pagkumpleto ng proyekto ay patunay na sa ilalim ng isang determinadong Pangulo, masisipag na kawani ng gobyerno, at malapit na pagtutulungan ng mga ahensya, maihahatid nang mahusay at nasa tamang oras ang mahahalagang imprastrakturang pakikinabangan ng mamamayan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here