Home NATIONWIDE Abandonadong imported sibuyas, pinigil ng BOC para ‘di makaapekto sa ani ng...

Abandonadong imported sibuyas, pinigil ng BOC para ‘di makaapekto sa ani ng lokal na magsasaka

4
0

MANILA, Philippines – Pinigilan ng Bureau of Customs (BOC) ang paglabas sa merkado ng 26 container ng imported na pulang sibuyas mula China na nagkakahalaga ng mahigit ₱86.6 milyon upang maiwasan ang posibleng epekto nito sa presyo ng lokal na sibuyas kasabay ng panahon ng anihan sa bansa.

Sa isinagawang inspeksyon na pinangunahan ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno kasama si Senator Francis Pangilinan, natuklasang ang mga shipment ay matagal nang naiwan sa pantalan at hindi naiproseso ng consignee para mailabas sa merkado.

Binubuo ang mga kargamento ng mahigit 72,000 sako ng sariwang pulang sibuyas na may kabuuang timbang na 650,000 kilo. Tinatayang aabot sa ₱86.684 milyon ang halaga nito habang higit ₱9 milyon naman ang hindi nabayarang buwis at iba pang kaukulang singilin ng pamahalaan.

Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture, bagama’t may permit ang mga shipment, may posibilidad nang bumaba ang kalidad ng mga sibuyas dahil sa matagal na pananatili ng mga ito sa pantalan. Dahil dito, inirekomenda ng ahensya na huwag nang ilabas ang mga produkto para sa konsumo ng publiko.

Bukod sa usapin ng kalidad, sinabi rin ng BPI na ang pagpasok ng mga imported na sibuyas sa merkado ay maaaring makasama sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka dahil kasalukuyang panahon ng anihan ng sibuyas sa ilang bahagi ng bansa.

Dahil sa hindi pagproseso at hindi pagbabayad ng kaukulang obligasyon sa customs, idineklara ng BOC na abandonado ang mga shipment alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act. Ayon sa ahensya, bahagi ito ng kanilang patuloy na kampanya upang maprotektahan ang mga lokal na industriya at matiyak na hindi makapapasok sa merkado ang mga produktong maaaring magdulot ng pinsala sa mga mamimili at magsasaka. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here