Home LIFESTYLE HEALTH SocMed post ng pagbebenta ng kidney para sa mga concert tix, ikinabahala...

SocMed post ng pagbebenta ng kidney para sa mga concert tix, ikinabahala ng mga doktor

4
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Society of Nephrology (PSN) sa mga social media post na tila nagpapakita na maaaring ipagbili ang bato (kidney) kapalit ng concert tickets.

Ayon sa grupo, kahit na maaaring biro lamang ang naturang mga post, seryosong usapin ang organ trafficking at pagbebenta ng mga bahagi ng katawan dahil nakaaapekto ito sa mga mahihinang sektor at sa dignidad ng tao.

Sinabi ng PSN na ang ganitong mga representasyon ay maaaring magpababa sa bigat ng mga gawaing hindi etikal, ilegal, at taliwas sa mga prinsipyo ng wastong organ donation at transplantation.

Nagpaalala rin ang organisasyon sa mga indibidwal, grupo, at mga brand na maging maingat at sensitibo sa paggawa ng mga pampublikong content na may kaugnayan sa kalusugan at dignidad ng tao.

Binigyang-diin ng PSN na ang organ donation ay isang kusang-loob at nakapagliligtas-buhay na gawain na nararapat igalang at ilarawan nang may pananagutan.

Dagdag pa ng grupo, patuloy silang magsusulong ng kamalayan tungkol sa etikal na organ donation at sa pagprotekta sa dignidad ng bawat tao. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here