MANILA, Philippines — Patuloy na iniimbestigahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang breach sa website ng Senado, bagama’t lumalabas sa inisyal na pagsusuri na limitado lamang ito sa defacement ng public-facing pages.
Ayon sa DICT nitong Huwebes, nakikipag-ugnayan ito sa Senado sa pamamagitan ng National Computer Emergency Response Team upang makontrol ang breach at maibalik ang website.
“Initial assessment indicates that the incident was limited to the defacement of the website’s public-facing pages. There is, at this time, no indication that sensitive or confidential data was compromised,” pahayag ng DICT, habang nilinaw na maaga pa para gumawa ng konklusyon.
Sinabi ng ahensya na nakikipagtulungan ito sa Senado, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at mga law enforcement agency para sa forensic analysis ng breach.
“Appropriate legal action will be pursued against the perpetrators in accordance with Republic Act No. 10175, or the Cybercrime Prevention Act of 2012,” dagdag ng DICT.
Nauna nang kinumpirma ng Senate’s Electronic Data Processing-Management Information System Bureau na ang website “was recently subjected to an unauthorized modification, commonly referred to as a website defacement.”
Ayon sa bureau, agad na nagpatupad ng security protocols ang technical team, nakontrol ang insidente, at nagsimula ng masusing imbestigasyon upang tukuyin ang sanhi at lawak ng unauthorized activity. Wala rin umanong indikasyon na may confidential o sensitive information na nakompromiso.
Nitong Huwebes ng umaga, makikita sa Senate website ang mensaheng: “The website is under maintenance. Please check back later.”
Kinondena naman ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Win Gatchalian ang cyberattack, na aniya’y bahagi ng sunod-sunod na tumitinding banta laban sa Senado.
“This cannot be treated as an isolated incident. Ang pag-atake sa aming mga sistema, gaya ng iba pang banta na kinakaharap natin ngayon, ay krimen. At lahat ng kriminal ay dapat managot sa batas,” pahayag niya.
Nanawagan si Gatchalian sa National Bureau of Investigation, DICT, at Cybercrime Investigation and Coordinating Center na magsagawa ng masusing imbestigasyon.
“Hindi kami susuko sa intimidasyon. Hindi kami hihinto sa aming trabaho para sa bawat Pilipino. Ang mga nagtatangkang sirain ang demokrasya sa pamamagitan ng karahasan ay haharapin ang buong kapangyarihan ng batas, at ang buong lakas ng isang institusyon na nakatayo para sa katotohanan, katarungan, at kalayaan ng ating bansa,” ani Gatchalian. Dave Baluyot