MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga contractor na sangkot sa naiulat na earthballing o pagbunot ng mga puno sa Roxas Boulevard matapos umani ng atensyon sa social media ang isang video tungkol sa naturang operasyon.
Ayon sa DENR, tututukan ng imbestigasyon kung sumunod ang isinagawang earthballing sa mga umiiral na environmental protocols at kondisyon ng mga permit na ibinigay para sa proyekto.
“The DENR is already investigating the contractors involved in the reported earthballing activities along Roxas Boulevard, with a specific focus on whether their methods violated established environmental protocols and the conditions of their permits,” pahayag ng ahensya.
Nagpadala na rin ang DENR ng mga enforcement personnel upang magsagawa ng agarang inspeksyon sa lugar at alamin ang buong pangyayari.
“DENR Enforcement personnel have been deployed to conduct an immediate site inspection and verify the circumstances surrounding the incident,” dagdag nito.
Binalaan ng ahensya na maaaring maharap sa kasong legal, administratibo, at permit-related sanctions ang mga responsable kung mapatutunayang may paglabag sa isinagawang earthballing.
“If the earthballing is found to be unauthorized or improperly executed, the DENR will initiate legal, administrative, and permit-related actions against responsible parties, including contractors and permit holders,” ayon sa DENR.
Iginiit din ng ahensya na protektadong likas-yaman ang mga puno sa mga urban area at kinakailangang sumunod ang mga project proponents sa environmental requirements, kumuha ng tamang permit, at makipag-ugnayan sa DENR bago magsagawa ng anumang aktibidad na may kinalaman sa mga puno.
Ayon sa DENR, ang earthballing ay isang paraan ng paglilipat ng puno kung saan hinuhukay ito kasama ang malaking bahagi ng lupa sa paligid ng ugat upang ligtas itong mailipat at maitanim muli nang hindi gaanong naaapektuhan ang root system. Santi Celario