MANILA, Philippines – Nailigtas ang 42 volunteers matapos masunog ang sinasakyang yacht na may dalang relief supplies para sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao noong Biyernes.
Batay sa video na ibinahagi ng Adventists Southern Asia-Pacific Philippines, inilipat ang mga volunteer sa mas maliit na bangka matapos makita ang makapal na usok mula sa yacht bandang 11:30 a.m. hanggang 12:00 noon.
Lahat ng sakay ay ligtas na nailikas at dinala sa Barangay Pangyan sa Glan, Sarangani, isa sa mga pinakamatinding naapektuhan ng lindol noong Hunyo 8. Wala namang naiulat na nasugatan o namatay.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nakikipag-ugnayan pa sila sa mga lokal na awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog at kung anong karagdagang tulong ang kailangan.
Sinabi ni Pastor Nildo Mamac, pangulo ng Southern Mindanao Mission, na halos limang porsiyento lamang ng mga relief supplies ang naisalba.
“Although we have lost supplies and equipment, we are grateful that every volunteer was spared. Material things can be replaced, but lives cannot,” ani Mamac.
“The safety of our volunteers remains our greatest blessing in this situation,” dagdag niya.
Ginamit ng relihiyosong grupo ang yacht na pagmamay-ari ni Edsel Lim, presidente ng Adventist-laymen’s Services & Industries, upang maihatid ang mga ayuda dahil hindi pa madaanan ang ilang pangunahing kalsada matapos ang lindol.
Sa kabila ng pagkawala ng karamihan sa relief goods, tiniyak ng grupo na magpapatuloy sila sa paghahatid ng tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng alternatibong paraan ng transportasyon.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense, umakyat na sa 47 ang bilang ng mga nasawi, 688 ang sugatan, at 31 ang nawawala dahil sa malakas na lindol, batay sa datos noong Hunyo 11. RNT/MND/Jocelyn Tabangcura-Domenden