COTABATO, Philippines – Sinabi ni Presidential Peace Adviser Mel Senen Sarmiento na kabilang sa mga agarang prayoridad ng mga bagong opisyal ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro at pagpapatuloy ng decommissioning process ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Noong Hunyo 8, nanumpa sa tungkulin sina Deputy Presidential Adviser Undersecretary Jonathan Ferdinand Miano, Presidential Assistant Noel Alvarez Baraceros, Presidential Assistant Gefer Refamonte Mancol, at Director Basil Castaño.
Pinasalamatan ni Sarmiento ang suporta ng MILF Peace Implementing Panel chair na si Mohagher Iqbal sa mga bagong opisyal.
“With the same enthusiasm, we look forward to working closely with the Moro Islamic Liberation Front Peace Implementing Panel and all relevant stakeholders in advancing the catch-up plan and continuing the implementation of the decommissioning process, in line with the Normalization Track of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.”
Ayon kay Sarmiento, mahalaga ang karanasan ng mga bagong opisyal upang maisulong ang peace agenda ng gobyerno at mapanatili ang mga nakamit sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF na nagwakas sa matagal na armadong sigalot sa Mindanao at nagbigay-daan sa paglikha ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Naantala ang huling yugto ng decommissioning noong nakaraang taon matapos suspindihin ng MILF ang proseso para sa natitirang 14,000 mandirigma at 2,450 armas. Iginiit ng MILF na hindi pa natutupad ng gobyerno ang ilang pangako sa ilalim ng normalization track ng 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), bagama’t itinanggi ito ng pamahalaan at sinabing nakapagbigay na ito ng bilyun-bilyong pisong ayuda at development programs.
Binigyang-diin din ni Sarmiento ang kahalagahan ng nalalapit na unang regular na parliamentary election sa BARMM, na magsisilbing pagtatapos ng transition period at pagsisimula ng panunungkulan ng mga halal na lider ng parliyamento.
“We join the aspiration for a peaceful, credible, and meaningful first parliamentary election in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao that reflects the voice and will of the people.”
Dagdag pa niya, handang makipagtulungan ang OPAPRU sa mga mahahalal na opisyal anuman ang kanilang partidong kinabibilangan upang maisulong ang mabuting pamamahala, kaunlaran, at kapakanan ng mamamayang Bangsamoro.
Nakatakda ang unang regular na halalan sa BARMM sa Setyembre 14, matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12317 noong Marso na naglipat ng iskedyul ng botohan mula Marso 30. RNT/MND