MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Thailand matapos ang pagpanaw ni Princess Bajrakitiyabha Narendira Debyavati, ang panganay na anak ni Thai King Maha Vajiralongkorn.
Ayon sa Pangulo, nakikiisa ang Pilipinas sa Thai Royal Family at sa mamamayang Thai sa pagluluksa at pagkilala sa naging ambag ng prinsesa sa serbisyo publiko, hustisya, dignidad ng tao, at karapatan ng kababaihan.
“The Philippines stands in solidarity with the people of Thailand in mourning this profound loss and in honoring the remarkable legacy of Her Royal Highness,” ani Marcos.
“Her lifelong dedication to public service and her commitment to justice, human dignity and women’s rights leave an enduring legacy that will be remembered by the Thai nation and admired by the international community,” dagdag pa niya.
Ayon sa Royal Palace ng Thailand, pumanaw ang 47-anyos na prinsesa noong Huwebes ng gabi sa Bangkok hospital matapos ang halos apat na taon na pagkaka-coma dahil sa heart-related condition.
Noong 2022, siya ay na-coma matapos ang medical emergency habang nagsasanay kasama ang military canine unit ng Thailand.
Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa public service at diplomasya, itinuturing siyang posibleng tagapagmana ng trono at nakilala rin sa kanyang trabaho sa justice system at legal reform ng Thailand.
Naglingkod din siya bilang goodwill ambassador ng UN Commission on Crime Prevention and Criminal Justice para sa rule of law sa Southeast Asia, partikular sa mga isyu ng kababaihan sa kulungan at reporma sa justice system. RNT/MND