Home NATIONWIDE Mangingisda natagpuang patay sa Southern Leyte

Mangingisda natagpuang patay sa Southern Leyte

2
0

MANILA, Philippines – Patay na nang matagpuan ang isang 38-anyos na mangingisda matapos hindi makauwi mula sa kanyang nighttime spearfishing activity sa karagatan ng Padre Burgos, Southern Leyte nitong Sabado ng umaga.

Kinilala lamang sa alyas na “Gino” ang biktima na residente ng naturang bayan.

Ayon sa pulisya, huling nakita ang biktima bandang alas-10 ng gabi noong Biyernes bago ito magtungo mag-isa sa dagat upang mangisda gamit ang sibat.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nakainom umano ng alak ang biktima bago nagtungo sa karagatan.

Nang hindi ito makabalik sa kanilang bahay, nagsagawa ng paghahanap ang kanyang kapatid dakong alas-2 ng madaling araw ngunit hindi agad siya natunton.

Ilang kagamitan sa pangingisda ng biktima ang nakita na lamang na palutang-lutang sa tubig kaya’t pinaghinalaang nalunod ito.

Nagpatuloy ang search operation hanggang alas-7 ng umaga nang matagpuan ng kanyang kapatid ang kanyang bangkay sa karagatan ng Barangay Cantutang.

Tumulong ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagkuha at pagdadala sa biktima sa Padre Burgos Community Hospital kung saan idineklara siyang dead on arrival dakong alas-7:12 ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, wala pang nakikitang foul play sa insidente subalit nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng mangingisda.

Muli ring pinaalalahanan ng pulisya ang mga mangingisda na mag-ingat sa pagsasagawa ng pangingisda sa gabi, lalo na kung mag-isa lamang, masama ang panahon o nasa impluwensya ng alak. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here