Home HOME BANNER STORY Joel Villanueva handang dumalo sa posibleng special session

Joel Villanueva handang dumalo sa posibleng special session

3
0

MANILA, Philippines – Nagpaabot ng kahandaan si Senador Joel Villanueva na dumalo sa oras na magpatawag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng special session ng Kongreso.

“Sa pagkakataon na magkaroon ng special session, tutuparin natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang Batas. We will be there,” sinabi ni Villanueva sa video statement sa worship service ng Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW), isang evangelical church na sinimulan ng kanyang amang si Eduardo “Brother Eddie” Villanueva.

Matatandaan na lumahok si Villanueva sa paksyon na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano.

Ipinunto ng mambabatas na hindi ito ang panahon para mamili ng kakampihan dahil maraming mga legislative measures ang kailangang maipasa.

“Hindi po ito panahon ng kampihan. Kapag may kababayan tayong nangangailangan, tungkulin nating tumugon at maglingkod. Noon hanggang ngayon, klaro po sa atin, klarong klaro sa atin ang dahilan kung bakit tayo narito bilang lingkod-bayan,” sinabi pa ni Villanueva.

“Klaro sa atin kung bakit tayo dinala ng Diyos sa posisyon na ito. Tungkulin nating protektahan ang ating institusyon at unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan.”

Kabilang sa mga hakbang na kailangang tugunan ay ang relief at rehabilitation ng mga lugar na apektado ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

“Una, maghahain tayo sa resolusyon para matiyak na may sapat na pondo para sa relief, rehabilitation, at muling pagbangon ng mga lugar na tinamaan ng lindol sa parte ng Mindanao,” aniya.

Magbibigay-daan din umano ang special session sa mga senador na aprubahan ang mga hakbang na pending na sa ikatlong pagbasa at ang appointment of confirmation ng military officers na nabalahaw din dahil sa drama sa Senado.

“Pangalawa, isusulong po natin ang mga pinakakailangang panukalang batas lalo na yung mga panukalang nasa huli na at ikatlong pagbasa,” ani Villanueva.

“Ikatlo, bibigyang katiyakan natin ang ating mga kapwa-lingkod bayan na nanghihintay ng confirmation ng kanilang mga appointment, lalo na ang mga opisyal ng ating Sandatahang Lakas,” dagdag pa niya.

Umaasa si Villanueva na hindi maiiipit sa gulo ang mga staff ng Senado.

“Ang nakakalungkot po ay hindi makapagtrabaho nang maayos ang Senado. Hindi lang dahil sa isyu ng liderato kundi dahil sa mga lockdown at patuloy na banta sa seguridad di umano ng ating institusyon…The Senate staff should not be caught in the middle of this political fight. Hindi pwedeng purong away na lang.”

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukas siya sa pagpapatawag ng special session. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here