Home NATIONWIDE 50 endangered na Pagong, nasabat sa NAIA; Malaysian passenger, inaresto

50 endangered na Pagong, nasabat sa NAIA; Malaysian passenger, inaresto

2
0

MANILA, Philippines – NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang 50 buhay na endangered tortoises na itinago sa bagahe ng isang Malaysian passenger na dumating sa bansa mula Bangkok, Thailand noong Hunyo 12, 2026.

Ayon sa BOC, natuklasan ang mga pagong matapos pigilan sa x-ray screening ang bagahe ng pasahero at isailalim ito sa masusing inspeksyon. Sa isinagawang 100 porsiyentong pisikal na pagsusuri, nakita ang mga tortoise o mga pagong na nakatago sa loob ng maleta.

Kinilala ang mga nasabat na hayop bilang Radiated Tortoises at Indian Star Tortoises, mga species na protektado sa ilalim ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).

Agad namang nakipag-ugnayan ang BOC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Animal Industry (BAI), at Environmental Protection and Compliance Division (EPCD) para sa wastong dokumentasyon at imbentaryo ng mga hayop. Kalaunan ay isinuko ang mga ito sa DENR para sa tamang pangangalaga.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng BOC ang dayuhang pasahero at sumasailalim sa inquest proceedings dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act at ilang probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863).

Binigyang-diin naman ng BOC-NAIA na patuloy nitong palalakasin ang pagbabantay sa mga paliparan upang mapigilan ang wildlife smuggling, alinsunod sa direktiba ng administrasyon na higpitan ang border security at protektahan ang likas na yaman ng bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here