LEYTE, Philippines – Nasunog ang isang residential area sa Barangay Naugan, Ormoc City, Leyte noong Linggo ng gabi, dahilan upang mawalan ng tirahan ang 40 pamilya o 154 indibidwal.
Nagsimula ang ikatlong alarma ng sunog sa Purok 3 bandang 11:52 p.m. at mabilis na kumalat sa mataong komunidad. Tinatayang umabot sa ₱2 milyon ang pinsala sa ari-arian.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), natanggap ang alarma dakong 11:57 p.m. at dumating ang mga bumbero sa lugar pagsapit ng 12:06 a.m. ng Lunes.
Umabot sa 30 bahay at isang classroom-laboratory building ng Naungan Elementary School ang nawasak ng apoy.
Naapula at nakontrol ang sunog bandang 1:12 a.m., at tuluyang napatay dakong 2:14 a.m.
Kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong pamilya sa barangay covered court, habang naglagay naman ng mga tent ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Nagbigay na rin ng hygiene kits ang City Health Department (CHD) at food assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Walong fire truck mula sa BFP at mga karatig-bayan ng Baybay, Merida, Albuera, Kananga, at Isabel ang tumulong sa pag-apula ng sunog.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente. RNT/MND