COTABATO CITY — Mas umigting ang panawagang itigil ang umano’y pakikialam ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Peace Panel Chief Mohagher Iqbal sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE), matapos siyang akusahang hinahadlangan ang demokratikong proseso at inaantala ang matagal nang hinihintay na ganap na sariling pamamahala ng rehiyon.
Sa isang opinion column na inilathala ng Cotabato Column, inilalarawan si Iqbal bilang pangunahing personalidad sa likod ng mga hakbang na maaaring makahadlang sa pagsasagawa ng kauna-unahang BPE na nakatakda ngayong Setyembre.
Ayon sa kolum, matapos ang pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), panahon na upang direktang makapili ang mamamayan ng kanilang mga lider sa pamamagitan ng parliamentary system na nakasaad sa Bangsamoro peace process.
Sinasabi rin sa artikulo na umano’y naghahanap si Iqbal ng legal na remedyo sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang districting law na ipinasa ng Bangsamoro Parliament, isang hakbang na ayon sa kolum ay maaaring makaapekto sa nakatakdang halalan.
“He is moving mountains to obtain an injunctive relief from the Highest Court of the land against the districting law passed by the Bangsamoro Parliament,” saad ng kolum.
Dagdag pa nito, maaaring hadlangan ng naturang hakbang ang paggamit ng mga Bangsamoro sa kanilang “constitutionally guaranteed right to suffrage.”
Binigyang-diin din ng artikulo na kung maaantala o mapipigilan ang halalan, ito na ang ikaapat na pagkakataong hindi mabibigyan ng pagkakataon ang mamamayang Bangsamoro na direktang pumili ng kanilang mga pinuno mula nang maitatag ang BARMM.
Sentro ng mga batikos ang pananaw na makikinabang ang mga kasalukuyang nasa kapangyarihan kung magtatagal pa ang transition period. Ayon sa kolum, ang pagkaantala ng halalan ay magbibigay-daan upang manatili sa puwesto ang mga itinalagang opisyal sa halip na maipasa ang kapangyarihan sa mga halal na kinatawan.
“The narrative of ‘unending transition’ is not a bug in the peace process—it is Iqbal’s feature. By depriving the people of self-determination, he embeds himself in power indefinitely,” ayon pa sa artikulo.
Iniugnay rin ng kolum ang usapin sa umano’y kontrobersiya kaugnay ng P2.2 bilyong pondo para sa edukasyon, na ayon sa kolumnista ay dapat sana’y nagtapos na sa impluwensiyang pampulitika ni Iqbal.
Ayon sa artikulo, inalis ni Chief Minister Abdulraof Macacua si Iqbal bilang minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) matapos umano itong mawalan ng tiwala at kumpiyansa sa kanya kaugnay ng nasabing kontrobersiya.
Iginiit ng kolum na sa halip na managot sa isyu, patuloy umanong nagsasagawa si Iqbal ng mga hakbang na maaaring magpaliban sa demokratikong transisyon ng rehiyon.
Ayon dito, ang pagpigil sa parliamentary elections ay maaaring humantong sa muling pagbuo ng BTA.
Kung mangyayari ito, mananatili sa puwesto ang mga itinalagang opisyal sa halip na mailipat ang kapangyarihan sa mga lider na pinili ng taumbayan sa pamamagitan ng halalan.
Bagama’t kinikilala ng artikulo na inihaharap ang legal na usapin bilang isyu ng pamamahala, hindi ito sinang-ayunan ng kolumnista at inilarawan ang sigalot bilang laban para sa impluwensiyang pampulitika kaysa usapin ng ideolohiya o ng mismong peace process.
“This is not about ideology. This is not about the peace process. This is a grudge match dressed in judicial robes,” ayon sa kolum.
Sa pagtatapos, nanawagan ang artikulo sa Korte Suprema at sa pambansang pamahalaan na hayaang matuloy ang parliamentary elections ayon sa itinakdang iskedyul, sa paniniwalang handa na ang mamamayang Bangsamoro na gamitin ang kanilang karapatan sa pagpapasya sa pamamagitan ng balota.
“Let the Supreme Court hear the Bangsamoro, not him. Let Malacañang see clearly that the Bangsamoro people are ready for elections,” ayon sa artikulo.
Iginiit ng publikasyon na anumang hakbang upang ipagpaliban ang parliamentary polls ay makaaapekto sa demokratikong mithiin ng rehiyon at magpapahaba lamang sa transition period na inaasahan ng marami na matatapos sa pamamagitan ng malaya at kapani-paniwalang halalan. RNT