MANILA, Philippines – Sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na pinamamadali na ng national government ang pagpapalabas ng emergency aid at recovery funds para sa mga komunidad na apektado ng magnitude 7.8 earthquake sa Mindanao.
“The full machinery of government is mobilized. Following the president’s directive, we were able to immediately deliver assistance to affected families, and we will continue to speed up the release of additional support to help them recover as soon as possible,” ang sinabi ni Recto sa isang kalatas.
Ayon kay Recto, top priority ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iligtas ang mga buhay, magbigay ng agarang tulong, ibalik ang mahalagang serbisyo at imprastraktura at tulungan ang mga apektadong komunidad na makabangon ng mas malakas.
Sa kabilang dako, tanggap naman ni Recto ang Senate resolution na inihain, araw ng Lunes, hinikayat ang gobyerno na tiyakin na may sapat na pondo para sa ‘recovery and rehabilitation’ ng earthquake-struck areas sa Mindanao.
Aniya, ginamit na ang malaking mapagkukunan ng pamahalaan.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund ay mayroong available allocation na P34.23 billion na maaaring gamitin para sa ‘relief, rehabilitation, reconstruction, repair, recovery, at iba pang disaster-related interventions.
Kabilang dito ang Quick Response Fund, na kasama sa pondo ng implementing agencies, na may kabuuang available allocation na P11.95 billion para sa mabilis na deployment.
Sinimulan naman na ng national government ang pagpapalabas ng financial assistance sa earthquake-hit local government units (LGUs).
Nito lamang araw ng Lunes, may kabuuang P362 million ang ipinalabas sa pamamagitan ng Local Government Support Fund, kabilang dito ang P140 million para sa Sarangani province, P122 million para sa South Cotabato province, at P100 million para sa General Santos City.
Bukod dito, nagbigay ang Office of the President (OP) ng P278 million na financial assistance sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund sa 19 LGUs sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, partikular na sa mga lalawigan ng Sarangani, Sultan Kudarat, Davao Occidental, at South Cotabato, at maging sa General Santos City.
Kabilang sa package ang cash assistance, burial assistance na nagkakahalaga ng P50,000 para sa mga pamilya ng earthquake fatalities, livelihood support, food assistance, medicines, medical supplies, at iba pang mahalagang non-food items. inaasahan na mapakikinabangan ito ng 90,000 apektadong pamilya.
Samantala, nagbigay ang Department of Social Welfare and Development ng P36.66 million na financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program para sa mga nasugatang indibiduwal, mga naulilang pamilya at iba pang earthquake victims.
Ang mga manggagawa na nawalan ng kabuhayan ay maaaring maging kwalipikado sa ilalim ng Department of Labor and Employment’s Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program, na nagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay at emergency income support.
Naglaan naman ang Government Service Insurance System ng P15.1 billion para sa emergency loans, saklaw ang 608,000 miyembro at mga pensiyonado sa mga apektadong lugar.
Ang mga eligible members at pensioners ay maaaring mag-avail ng emergency loans ng hanggang P40,000.
Ang Department of Human Settlements and Urban Development ay nakatakda namang magbigay ng P30,000 na cash assistance sa mga pamilya na ganap na nawasak ang mga tahanan.
Inatasan din nito ang Pag-IBIG Fund, National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation, at National Home Mortgage Finance Corporation na magkaloob ng moratorium on housing loan amortizations para sa mga kuwalipikadong apektadong benepisaryo. (KRIS JOSE)